top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Early retirement at automatic promotion sa gov’t employees

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 1, 2023
  • 3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 1, 2023


Pinangunahan natin noong nakaraang Miyerkules ang Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na nagsagawa ng pagdinig hinggil sa dalawang panukala na ang tanging layunin ay maisaayos ang kapakanan ng mga manggagawa sa pamahalaan.


Una ay ang maibaba ang retirement age ng government employees mula edad 65 patungong 60 para sa compulsory retirement, at mula 60 na maging 56-anyos para naman sa optional retirement at ang automatic promotion ng isang government employee sa pagretiro.


Alam naman natin kung gaano katindi ang ginagampanang papel ng mga kawani ng gobyerno sa ating lipunan dahil sila ang kaagapay ng pamahalaan sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo para sa mga Kababayan.


At dahil sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga manggagawa na mailapit ang pamahalaan sa taumbayan ay maituturing natin silang frontliners kaya marapat lamang na patuloy nating isulong ang kanilang kapakanan sa pamamagitan nang pagsasabatas ng mga panukalang tulad nito.


Kabilang sa agenda sa isinagawa nating public hearing ay ang iniakda nating Senate Bill No. 1832 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 8291 o ang ‘Government Service Insurance System Act of 1997’ upang ang isang government employee ay maaari nang magretiro at makatanggap ng benepisyo sa edad na 56.


Hangad lang naman natin na sa dapit-hapong bahagi ng buhay ng ating mga lingkod-bayan ay masuklian ang kanilang paninilbihan sa ating mga Kababayan sa pamamagitan nang pagbibigay ng pagkakataong matamasa naman nila ang ginahawa dulot ng benepisyo sa kanilang retirement.


Hindi ba’t bahagi ng isang sikat na awitin ang katagang, ‘tatanda at lilipas din ako, ngunit mayroong awiting iiwanan sa inyong alaala’, ngunit tila mas masaya kung ang iiwan nating alaala sa mga retiradong empleyado ay ang karagdagang benepisyo dulot ng ating isinumiteng panukala.


Sa totoo lang, matagal ko nang inilalaban ng pukpukan na maipasa ang panukalang batas na ito, simula pa noong 18th Congress at umaasa ako na mailulusot natin ito sa kasalukuyang Kongreso dahil lubhang kailangang-kailangan na ang panukala nating ito.


Noong nakaraang Kongreso pa lang ay sinikap na natin itong maipasa ngunit dahil sa hindi pa kinatigan ng pagkakataon ay hindi ito naging matagumpay subalit ngayong pumasa na ito sa Mababang Kapulungan ay marami na rin tayong kasamahan sa Senado ang sumusuporta sa hangarin nating nito.


Sa gitna nang pagdinig, ang Civil Service Commission (CSC) ay nagpahayag din ng suporta na nais nilang makalusot na ang ating panukala at nagsabing may matinding pangangailangan talaga para sa mas maayos na retirement plan sa mga manggagawa ng pamahalaan.


Tinalakay din ng komite ang panukalang nagbibigay ng automatic promotion sa mga government employees sa mismong panahon ng pagreretiro kung saan ang inyong lingkod ang isa sa may akda.


Sa aking Senate Bill No. 1568 ay isinusulong natin na ang magreretirong government employees ay pagkakalooban ng automatic promotion katumbas sa isa pang salary grade na ang ibig sabihin ay karagdagang suweldo na pagbabasehan ng computation para sa kabuuang retirement benefits na makukuha ng isang magreretiro.


Ito ang tunay na dahilan kaya pinagsisikapan nating maipagkaloob sa ating mga government employee ang automatic promotion upang kahit paano ay maibalik natin sa kanila ang buong buhay nilang pagsisikap na ipinagkaloob nila sa sambayanan.


Ipinagpapasalamat ko din pala ang personal na pagdalo ng grupong Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) na hindi ko inaasahang naglaan ng panahon upang magbigay lamang ng suporta sa isinusulong nating panukala.


Nakatutuwa dahil may mga dala pa silang placard na naglalaman ng mga pahayag hinggil sa pagsuporta sa ating panukala kabilang na ang pagpayag nila na maibaba ang retirement age at automatic promotion sa nais nang magretiro.


Ang tanging maipapangako ko lamang sa ngayon ay patuloy tayong mananatiling tapat sa ating hangarin na laging protektahan at isulong ang kapakanan ng ating mga masisipag at magagaling na kawani ng pamahalaan.


Tulad ng palagi kong sinasabi, na kaya tayo mayroong mahusay na pamahalaan ay dahil sa mayroon tayong mahuhusay na manggagawa at malaking bahagi nang isinusulong nating panukala ay para maipakita sa kanila ang ating pagpapahalaga.


Sana ay samahan ninyo ako sa panalangin na maging isang ganap na batas na ang panukala nating ito para kahit sa huling bahagi ng buhay ng ating mga government employees ay maihabol naman natin ang pabaong saya para sa kanila.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page