Early Childhood Care and Development System, batas na!
- BULGAR
- 11 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 20, 2025

Magandang balita para sa ating mga kababayan! Pirmado na ang Early Childhood Care and Development System (ECCD) Act, o Republic Act No.12199, na isinulong ng inyong lingkod. Isang mahalagang reporma ito upang matiyak na bawat batang Pilipino ay magkakaroon ng matatag na pundasyon bilang mga mag-aaral at mamamayan ng ating bansa.
Maraming hamon ang layong tugunan ng bagong batas na ito. Lumalabas sa mga pag-aaral na isa sa tatlong batang wala pang limang taong gulang ang maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad. Ang stunting ay resulta ng kakulangan sa nutrisyong natatanggap ng isang bata mula sa sinapupunan hanggang sa kanyang ikalawang kaarawan o ang unang 1,000 araw ng buhay. Nakakaapekto ang stunting sa kakayahan ng isang batang matuto sa paaralan at magkaroon ng maayos na hanapbuhay sa kanyang paglaki.
Bagama’t malinaw sa mga pag-aaral ang positibong epekto ng mga programa at serbisyong pang-ECCD sa performance ng isang bata sa paaralan, iniulat ng UNICEF noong 2023 na apat lamang sa 10 mag-aaral ang nagiging bahagi ng mga programang ito.
Ang kakulangan ng child development centers (CDCs) ang isa sa mga dahilan kung bakit mababa ang bilang ng mga batang lumalahok sa mga programa at serbisyong ito. Ayon sa Year Two Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), 5,800 na mga barangay sa bansa ang walang CDCs. Ito ay sa kabila ng mandato ng Barangay-Level Total Development and Protection of Children Act (Republic Act No. 6272) na pagtatatag ng day care center sa bawat barangay.
Nais din nating tugunan ang hamon ng professionalization sa ating mga Child Development Workers CDWs. Matatandaang ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 52.2% lamang sa mga CDWs ang nakatapos ng kolehiyo samantalang, 16.8% naman ang nakatapos ng high school.
Matutugunan natin ang mga hamong ito sa ilalim ng bagong batas, kung saan magiging saklaw ng lahat ng probinsya, lungsod, munisipalidad, at mga barangay ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System. Bahagi ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrition, early childhood education, at social services development programs. Layon nating makamit ang universal ECCD access sa lahat ng mga batang wala pang limang taong gulang.
Ang mga local government units (LGUs) ang magiging responsable para sa pagpapatupad ng ECCD System. Magiging tungkulin nila ang probisyon ng mga pasilidad at mga resources para sa epektibong paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD. Imamandato rin ang mga LGU na lumikha ng mga plantilla positions para sa mga Child Development Workers (CDWs) at Child Development Teachers (CDTs), pati na rin ang pagsulong sa professional development ng ating mga CDT at CDWs. Dapat rin nilang tiyakin na may isang Child Development Center (CDC) sa bawat barangay.
Tagumpay na maituturing ang bagong batas na ito ngunit hindi dito natatapos ang ating tungkulin. Titiyakin ng inyong lingkod na epektibong maipapatupad ang batas na ito upang maabot natin ang bawat bata at matulungan silang magkaroon ng magandang kinabukasan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments