Eala No. 1 tennis player na sa Southeast Asia at WTA Rank 18
- BULGAR

- 31 minutes ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | August 24, 2026

Photo: Alex Eala / File
Tuluyan nang naisakatuparan ni Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala ang pinakamataas na estado sa World Rankings sa kabuuan ng Southeast Asia matapos mailagay sa No.18 sa bagong labas na sukatan ng Women’s Tennis Association (WTA) bago pa man ang pagsisimula ng main draw na kampanya sa huling Grand Slam tourney na 2026 US Open Championship sa Agosto 30 hanggang Setyembre 13 sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa Queens, New York City.
Nakapagtala ang 21-anyos na lefty ng 2,281 puntos para umangat ng dalawang hakbang mula sa dating No.20 spot at nalampasan sina Italian Jasmine Paolini, na malaki ang ibinagsak sa lima, at Ekaterina Alexandrova ng Russia, habang hinihintay na lamang ang pinal na seeding para sa US Open.
Nahigitan ni Eala ang mga dating mahuhusay na manlalaro mula sa Timog Silangang Asya na sina six-time WTA titlist at four-time Asian Games champion Yayuk Basuki ng Indonesia, na hawak din ang pagiging 11-time SEA Games gold medalist, at Thai-American at 2014 Incheon Asian Games titlist Tamarine Tanasugarn, na kapwa lumista ng World No.19.
Nakikinitang hahataw rin ito sa pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas pagdating sa puwestuhan sa Grand Slam sa No.17 seed, kasunod na rin ng pag-atras ni World No.15 Victoria Mboko ng Canada dulot ng left knee injury.
Hinihintay na lamang ang opisyal na anunsyo ng pwestuhan sa seedings sa singles matches, na tiyak na malalampasan ni Eala ang pinakamataas na puwesto sa anumang Grand Slam tourney na nakita sa No. 29 seed sa 2026 Wimbledon Open. Masisilayan naman sa unang pagkakataon sa Mixed Doubles si Eala kasama si 2024 Paris Olympics bronze medalist at kasalukuyang ATP World No. 4 Felix Auger-Aliassime ng Canada kontra sa mag-asawang sina Gael Monfils at Elina Svitolina sa first round sa Louis Armstrong Stadium na may nakalaang pa-premyo na $40,000 o mahigit sa P2.4 milyon.
Sakaling magtagumpay ay makakaharap nina Eala- Auger-Aliassime tandem ang magwawagi sa paluan nina top seed Aryna Sabalenka at Novak Djokovic at pares nina Leylah Fernandez at Frances Tiafoe sa second round na may nakalaang $120,000 o mahigit sa P7.4 Milyon.
Bukod sa paghataw sa singles at mixed doubles, karagdagang pagkaka-abalahan ng two-time WTA 125 titlist at Mubadala DC Open champion ang ‘sold-out’ na Stars of the Open exhibition match na nakatakdang ganapin sa Agosto 27 kontra sa kaibigan at World No.14 na si Iva Jovic ng US.





Comments