E-Painters, may tsansa na sa quarterfinals
ni Gerard Arce - @Sports | November 26, 2022

Naipinta ng Rain or Shine Elasto Painters ang ika-limang panalo upang magkaroon ng pag-asang makapasok sa quarterfinals matapos talunin ang Blackwater Bossing sa iskor na 116-97 kahapon sa 2022 PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagkapit-bisig sina import Ryan Pearson at Rey Nambatac upang pangunahan ang atake ng Elasto Painters nang kumubra ang American import ng 22 puntos, 12 rebounds, limang assists, habang lumikha ng 21 puntos ang dating Letran Knights guard kasama ang pitong rebounds at apat na assists.
Nakakuha ng 10-day break ang Rain or Shine na kanilang nagamit higit na sa second half na kinakitaan ng kabuuang 17-of-38 three-point baskets at pambihirang 31 assists na naging daan upang ilagay sa kanilang pinakamalaking kalamangan sa 21 puntos kasunod ng apat na sunod na tres nina Jewel Ponfereda, Santi Santillan, Anton Asistio at Nick Demusis sa 101-80 sa nalalabing 6:27 ng fourth period.
Dahil sa panalo ay nagawang umangat ng Rain or Shine sa 5-6 kartada katabla ang Phoenix Super LPG sa ika-pito hanggang ika-walong pwesto, habang nalaglag sa 3-9 marka ang Blackwater na tila malabong makausad sa quarterfinals.
Mayroong nalalabing laro ang Rain or Shine laban sa naghahanap ng top-two spot na Magnolia Timplados Hotshots sa Dis. 2 sa parehong venue, habang tinapos ng Blackwater ang kampanya sa elimination round sa ika-12th pwesto at mamintis muling makapasok sa quarterfinal round.
Lumista rin ng double digit sa iskoring para sa Rain or Shine si Asistio sa 13pts at anim assists at Norbert Torres sa 13pts, habang nahirapang bitbitin ni Cameron Krutwig ang Blackwater sa 23pts, 17 boards at apat na assists.





Comments