E-cigarettes, heated tobacco nakatulong sa milyun-milyong naninigarilyo
- BULGAR
- 9 hours ago
- 3 min read
ni Chit Luna @News | May 7, 2025

Milyun-milyong indibidwal ang nakalaya mula sa paninigarilyo sa pamamagitan ng e-cigarettes, heated tobacco, nicotine pouch at iba pang harm reduction tools, ayon sa report ng World Vapers Alliance (WVA).
Sinabi ng WVA na mas marami pa ang maaaring huminto sa paninigarilyo kung pakikinggan ng World Health Organization (WHO) ang mga karanasan ng mga taong ito na lumipat sa mga alternatibong produkto na walang usok.
Ayon sa ulat ng WVA, ang paggamit ng vape ay doble ang bisa sa pagtigil sa paninigarilyo kumpara sa mga tradisyonal na nicotine replacement therapies (NRTs). Binanggit pa ng WVA ang inisyatiba ng National Health Service (NHS) sa United Kingdom na magbigay ng mga e-cigarette sa mga kasalukuyang naninigarilyo bilang bahagi ng kanilang programa.
Batay sa mga siyentipikong pag-aaral, napatunayan na ang harm reduction o pagbabawas ng pinsala ay isang epektibong stratehiya. Dagdag pa ng WVA, ang mga e-cigarette ay tinatayang 95 porsiyento na mas ligtas kaysa sa ordinaryong sigarilyo, isang konklusyon na sinusuportahan din ng Public Health England.
Dahil dito, nanawagan ang WVA sa WHO na isaalang-alang ang mga positibong resulta ng paggamit ng harm reduction tools at pakinggan ang boses ng milyun-milyong taong natulungan nito.
Ayon sa WVA, ang e-cigarettes, heated tobacco at nicotine pouch ay lubos na epektibo sa pagtulong sa mga naninigarilyo na huminto, base sa mga siyentipikong pag-aaral.
Ipinakikita ng mga pag-aaral sa biomarker ng tao ang potensyal sa pagbawas sa pinsala ng mga alternatibong produktong ito na walang usok. Kahit ang bahagyang paglipat sa mas mababang panganib na mga alternatibo ay maaaring maging isang hakbang tungo sa lubos na pagtigil sa paninigarilyo.
Ang unti-unting pamamaraang ito ay maaaring mas katanggap-tanggap para sa ilang mga naninigarilyo, ayon sa WVA.
Ayon sa pag-aaral, ang pangunahing sanhi ng mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo ay ang pagkasunog ng tabako, na naglalabas ng libu-libong nakalalasong kemikal. Dahil inaalis ng mga produktong walang usok na nikotina ang pagkasunog, nababawasan ang pagkakalantad sa mga mapaminsalang sangkap.
Sinabi ni French oncologist Dr. David Khayat, sa isang panayam ng pahayagang Phileleftheros ng Cyprus, na ang paglipat ng mga naninigarilyo sa mga alternatibong walang usok ay maaaring magpababa ng panganib sa kanser.
Binanggit niya ang mga siyentipikong pag-aaral na nagpapakita na ang dami at konsentrasyon ng mga sangkap na nalilikha mula sa paninigarilyo ay konektado sa mataas na temperatura na nangyayari sa panahon ng pagkasunog.
Sa ulat na “Rethinking7 Tobacco Control: 20 Harm-Reduction Lessons the FCTC Should Take Note Of,” iminungkahi ng WVA na dapat isaalang-alang ng WHO Framework Convention on Tobacco Control ng World Health Organization, na nagdiriwang ng ika-20 anibersaryo nito sa 2025, ang mga instrumentong ito sa pagbabawas ng pinsala para tulungan ang mga naninigarilyo na huminto.
Ang matigas na pagtanggi ng FCTC na kilalanin ang potensyal ng mga estratehiya sa pagbabawas ng pinsala, lalo na ang vaping, nicotine pouch at mga produktong hindi nasusunog, ay hindi lamang humahadlang sa mga pagsisikap sa pagtigil sa paninigarilyo kundi malamang na kumikitil pa ng milyun-milyong buhay, ayon sa WVA.
Sumang-ayon ang Nicotine Consumers Union of the Philippines sa ulat, at sinabing mas maraming pagpipilian na ang magagamit ng mga naninigarilyo ngayon. Maging ito ay e-cigarettes, heated tobacco, o nicotine pouch, dapat payagan ang mga mamimili na pumili ng mga produktong hindi gaanong nakakasama sa kanila, sabi ni NCUP president Anton Israel.
Inilathala ng mga mananaliksik mula sa Brighton at Sussex Medical School ang isang pag-aaral sa Oxford Academic noong Pebrero 2024, na nagpapakita na ang mga naninigarilyo na kinikilala ang vaping bilang mas mababa ang panganib kaysa sa paninigarilyo ay mas malamang na lumipat pagkalipas ng anim na taon.
Ang pananaliksik, na sinuportahan ng U.K. Medical Research Council, Wellcome, University of Bristol, Cancer Research U.K., at Society for the Study of Addiction, ay nagbibigay-diin sa pangangailangang iwasto ang maling7 pananaw ng publiko tungkol sa vaping.