top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Durant, Porter, Giannis at Rubio, mga delubyo

BULGAR
May 1, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 1, 2021




Hinigpitan ng Brooklyn Nets ang kanilang hawak sa liderato ng NBA Eastern Conference matapos talunin ang Indiana Pacers, 130-113, sa aksyon kahapon mula sa Bankers Life FieldHouse. Papasok sa kanilang huling siyam na laro, umakyat ang Nets sa 43-20 kumpara sa pangalawang Philadelphia 76ers na 41-21.

Halimaw si Kevin Durant sa kanyang 42 puntos at 10 assist subalit umagaw ng pansin ang dating Pacer na si Alize Johnson na nagsabog ng 20 puntos at 21 rebound upang takpan ang hindi paglaro nina Kyrie Irving at James Harden na parehong masakit ang hita. Dalawang prangkisa galing sa lumang American Basketball Association, winalis ng Nets ang kanilang tatlong tapatan sa Pacers ngayong torneo.

Lumapit ang Denver Nuggets sa pagkamit ng home advantage sa simula ng playoffs at tinambakan ang bisitang Toronto Raptors, 121-111, para kartadang 42-21 at lumayo sa humahabol na defending champion Los Angeles Lakers na 36-26. Pitong Nuggets ang nagsumite ng higit 10 puntos sa pangunguna nina Michael Porter Jr. na may 23 at Nikola Jokic na may 19 puntos at 11 rebound.

Ginulo ng Minnesota Timberwolves ang pagpasok ng Golden State Warriors sa playoffs, 126-114, ang kanilang ika-apat na sunod at ika-1,000 ng prangkisa buhat pa noong 1989. Nanguna sa T-Wolves si Ricky Rubio na may 26 at rookie Anthony Edwards na may 25 upang masayang ang 37 ni Stephen Curry.

Pareho rin ang ginawa ng Houston Rockets at pinigil ang Milwaukee Bucks na lumapit sa Nets at 76ers, 143-136. Natapilok si MVP Giannis Antetokounmpo 46 segundo pa lang ang lumilipas at hindi na bumalik sa Bucks at ginamit itong pagkakataon nina Kevin Porter Jr. na pumukol ng siyam na tres upang magtapos na may 50 puntos at 11 assist at Christian Wood na may 31 puntos.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page