Durant, Oubre, Williams at Graham, sakalam!
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 27, 2021

Nagdiwang ang Brooklyn Nets sa pagbabalik ni Kevin Durant at pinalubog nila ang Phoenix Suns, 128-119, sa NBA kahapon mula sa Barclays Center. Umarangkada ang Nets sa fourth quarter at hindi nakaporma ang Suns sa likod ng 14 puntos ni Durant na lumiban sa kanilang huling tatlong laro.
Nagtapos si Durant na may 33 puntos habang nanguna sa opensa si Kyrie Irving na may 34 puntos at 12 assist. Lumayo ang agwat ng Nets (41-20) sa Philadelphia 76ers (39-21) para sa liderato ng mahigpit na Eastern Conference.
Sumandal ang Golden State Warriors sa mga malaking buslo nina Kelly Oubre Jr. at Draymond Green sa huling apat na minuto upang maagaw ang 117-113 tagumpay sa bisitang Sacramento Kings. Namuno muli sa Warriors (31-30) si Stephen Curry na may 37 puntos kasama ang pitong tres at ang dalawang paniguradong free throw sa huling segundo ng mainitang laban.
Binitin ng Atlanta Hawks ang pagpasok ng pumapangatlong Milwaukee Bucks sa playoffs, 111-104, salamat sa matinding habol sa fourth quarter kung saan ipinasok ni Lou Williams ang lahat ng kanyang 15 puntos at mabura ang 80-70 lamang. Nag-ambag ng 12 ng kanyang 32 puntos sa fourth si Bogdan Bogdanovic habang may 20 puntos si Kevin Huerter.
Kasing higpit ang karera sa taas ang karera sa gitna ng East at hinila pababa ng Charlotte Hornets ang Boston Celtics, 125-104. Bumida sa Hornets (30-30) sina Devonte Graham na may 24 puntos at PJ Washington na may 22 puntos at 12 rebound.
Hindi nagpahuli ang Indiana Pacers at binigo nila ang Orlando Magic, 131-112. Pumuntos ng 24 si Malcolm Brogdon at tinulungan ni Edmon Sumner na may 21 para sa kartadang 29-31 at isang laro ang layo sa Hornets.





Comments