Durant, naka-51 puntos, bumawi sa inasar na fans
- BULGAR
- Dec 14, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 14, 2021

Parang apoy na sumagitsit ang 51 puntos ni Kevin Durant at nanatili sa taas ng Eastern Conference ang kanyang Brooklyn Nets sa bisa ng 116-104 na tagumpay sa kulelat na Detroit Pistons sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Little Caesars Arena. Hindi rin nagpahuli ang World Champion Milwaukee Bucks at nagwagi sa New York Knicks, 112-97.
Lamang ng lima ang Pistons sa simula ng 4th quarter, 91-86, subalit ipinasok ng Nets ang unang 11 puntos para maagaw ang lamang at hindi binitawan ito, 97-91. Ginawa ni Durant ang 13 ng kanyang 51 puntos sa 4th quarter. Unang pinatawan ng NBA Durant ng halagang $25,000 dahil sa pagsasalita ng masama kontra sa isang fan sa laban kontra Atlanta noong Sabado.
Naganap ang insidente habang may natitira pang 28 seconds sa second quarter sa naging panalo ng Nets kontra Hawks, 113-105. Pinangunahan ni Durant ang Brooklyn sa ikinamada niyang 31 points kasama ang anim na assists, five rebounds, three blocks at isang steal.
Hawak ng Milwaukee Bucks ang tiyempo ng buong laro at hindi pinaporma ang Knicks.
Triple double si Giannis Antetokounmpo na 20 puntos, 10 rebound and 11 assist upang suportahan ang 24 puntos buhat sa apat na three-points ni Khris Middleton.
Triple double din si LeBron James upang mamuno sa 106-94 panalo ng Los Angeles Lakers sa bisitang Orlando Magic. Nagtala si James ng 30 puntos, 11 rebound at 10 assist at sinundan ni Talen Horton-Tucker na may 19 puntos.
Sinayang ng Lakers ang 89-64 lamang sa 4th quarter at humabol ang Magic, 87-97, papasok sa huling 4 na minuto. Nagising sina James, Russell Westbrook at rookie Austin Reaves at ipinasok nila ang mahalagang puntos upang umakyat ang koponan sa 15-13 panalo-talo.
Sa ibang laro, nanalo ang Minnesota T'wolves sa Portland Trail Blazers, 116-111, salamat sa double-double ni Karl Anthony Towns na 23 puntos at 10 rebound. Kasama sa nagtagumpay ang Dallas Mavericks sa Oklahoma City Thunder, 103-84, at San Antonio Spurs sa New Orleans Pelicans, 112-97.





Comments