top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Durant-less Suns, nanalo, Celtics, giniba ang T'Blazers

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 10, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 10, 2023




Kahit wala si Kevin Durant ay walang problema at madaling pinatumba ng Phoenix Suns ang bisitang Oklahoma City Thunder, 132-101, sa NBA kahapon sa Footprint Center.


Inaresto ng Boston Celtics ang kanilang tatlong sunod na talo at giniba ang Portland Trail Blazers, 115-93.


Ito dapat ang unang laro ni Durant sa kanyang bagong tahanan subalit nadulas siya habang nag-shooting bago ang laro at sumakit ang bukong-bukong. Sumandal ang Phoenix sa anim na tres ni Devin Booker patungo sa 44 puntos habang anim na tres din ang reserbang si Terrence Ross para sa 24 puntos.


Bumalik sa aksiyon si Jayson Tatum at ramdam agad ang kanyang halaga sa 30 puntos at tinulungan ni Marcus Smart na may 21 puntos. Hindi pa natatalo ng apat na sunod ang Celtics ngayong torneo at patuloy ang paghabol sa numero unong Milwaukee Bucks na walang laro kahapon.

Ginulat ng bisitang Chicago Bulls ang numero uno ng Western Conference Denver Nuggets,117-96, sa likod ng husay nina Zach LaVine na may 29 puntos at Nikola Vucevic na may 25 puntos at 15 rebound. Kahit natalo, matibay pa rin ang Denver sa taas ng West sa 46-20 at kung mananatili ang porma sa nalalabing 16 laro ay maaari nilang tumbasan o higitan ang kanilang pinakamataas na kartada sa NBA na 57-25 noong 2012-2013.

Samantala, may nakahandang mga laro para sa Team USA bago sila dumating sa Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup simula Agosto 25. Inaasahan na bububuin ang koponan ng 12 NBA All-Star sa gabay ni Coach Steve Kerr at kanyang mga assistant Mark Few, Tyronn Lue at kabayan Erik Spoelstra.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page