Durant, Giannis, Embiid, una sa botohan ng NBA All-Stars

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 6, 2021

Lumabas na may pinakamaraming boto si Kevin Durant ng Brooklyn Nets matapos ang unang bilangan para 2021 NBA All-Star. Nakakuha siya ng 2,302,705 boto habang patuloy na lumilinaw ang usapin tungkol sa taunang laro ng mga star players ng liga.
Para sa mga forward at sentro ng Eastern Conference, sinusundan si Durant nina MVP Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee Bucks (1,752,185), Joel Embiid ng Philadelphia 76ers (1,584,028) at Jayson Tatum ng Boston Celtics (822,151). Si Bradley Beal ng Washington Wizards ang numero uno sa mga guwardiya na may 1,273,817 boto at sinusundan siya ng dalawang Net na sina Kyrie Irving (1,093,611) at James Harden (1,014,763).
Sa Western Conference, matindi ang karera nina LeBron James (2,288,676) ng defending champion Los Angeles Lakers at Stephen Curry (2,113,178) para sa liderato. Hanggang Pebrero 16 sa NBA.com at Twitter.com/NBA ang botohan para sa mga paborito tulad ni kabayan Jordan Clarkson ng Utah Jazz. Ihahayag ang listahan ng mga napiling tig-lima para sa dalawang koponan sa Pebrero 18 at sa Pebrero 23 ang mga reserba.
Hinihintay ang pormal na pahayag ng NBA at ng unyon ng Players Association (NBPA) na nagkasundo na sila. Napipisil na ganapin ang laro ngayong Marso 7 sa State Farm Arena ng Atlanta, Georgia. Pangunahing layunin ng laro ang makalikom ng pondo para sa edukasyon ng mga kabataang Aprikanong Amerikano at para sa laban kontra COVID-19.
Matapos mabaon ng 12 puntos sa first half, sinigurado ng defending champion Los Angeles Lakers na hindi sila mapapahiya sa kanilang pag-uwi sa Staples Center at nakamit ang 114-93 panalo sa bisitang Denver Nuggets. Ipinasok ng Lakers ang huling 15 puntos ng third quarter at walang sagot ang Nuggets para maagaw ang lamang at hindi na ito binitawan, 83-75. Naghari muli si LeBron James sa kanyang triple double 27 puntos at sinundan ni Dennis Schroder na may 21 puntos.
Bumalik sa panalo ang Houston Rockets matapos patahimikin ang Memphis Grizzlies, 115-103. Naputol man ang kanilang 11 sunod-sunod na tagumpay, patuloy ang pagbawi ng numero unong koponang Utah Jazz at nakamit ang kanilang ikalawang sunod kontra sa Atlanta Hawks, 112-91, sa NBA. Umakyat ang Jazz sa 17-5 sa likod ng 23 puntos ni Pinoy pride Jordan Clarkson.
Pinabagsak ng Portland Trail Blazers ang numero unong koponan sa Eastern Conference Philadelphia 7ers, 121-105. Inangat nina Gary Trent Jr. at Carmelo Anthony ang kanilang laro na may 24 at 22 puntos upang takpan ang pagliban ni Damian Lillard dahil sa masakit na masel sa sikmura. Nagawan ng paraan ng Golden State Warriors na talunin ang Dallas Mavericks, 147-116, kahit wala sina James Wiseman, Eric Paschall at Kevon Looney. Nagtrabaho ng husto sina Kelly Oubrey Jr. na may 40 puntos at Stephen Curry na may 28 puntos buhat sa pinagsamang 11 tres.





Comments