Durant, De Roza, La Vine at Williamson, 'di umaatras
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 30, 2022

Patuloy ang arangkada ng Brooklyn Nets na dinaig ang Atlanta Hawks, 108-107, para sa kanilang ika-10 sunod na panalo sabay akyat sa number 2 sa NBA kahapon sa State Farm Arena. Tumanggap ng tulong ang Nets sa Chicago Bulls na hinila pababa ang dating pumapangalawang Milwaukee Bucks sa overtime, 119-113.
Naka-shoot si Kevin Durant papasok sa huling minuto upang palamangin ang Brooklyn, 108-106, subalit nagbanta ang Hawks sa free throw ni Dejounte Murray na may 29 segundong nalalabi. Matapos ang timeout ay nagmintis si Kyrie Irving at itinakbo ng Atlanta ang bola subalit hindi pumasok ang minadaling tira ni Murray.
Nanguna si Irving na may 15 ng kanyang 28 puntos sa 4th quarter habang 26 si Durant.
Umangat ang Nets sa 23-12, dalawang laro ang hahabulin sa numero unong Boston Celtics na 25-10.
Bumida para sa 10 ng kanyang 42 puntos at 10 rebound sa overtime si DeMar DeRozan habang 24 si Zach LaVine. Nasayang ang 45 puntos at 22 rebound ni Giannis Antetokounmpo at bumaba ang Bucks sa 22-12 at pangatlo sa East.

Lumikha ng tabla sa taas ng Western Conference matapos makaganti ang Sacramento King sa dating solong numero unong Denver Nuggets, 127-126. Bago noon, nanaig ang New Orleans Pelicans sa Minnesota Timberwolves, 119-118.
Nagtala ng 43 puntos si Zion Williamson ng Pelicans kasama ang nagpapanalong free throw na may 4 na segundong nalalabi. Pareho ang kwento at sumandal ang Kings sa free throw ng reserbang si Malik Monk na may isang segundo sa orasan upang makumpleto ang kanilang paghabol at pantay na ang Nuggets at Pelicans sa 22-12.
Samantala, nagising ang World Champion Golden State Warriors sa 4th quarter at tinalo ang Utah Jazz, 112-107. Binigo ng Miami Heat ang Los Angeles Lakers, 112-98, habang tinambakan ng Washington Wizards ang Phoenix Suns, 127-102.





Comments