top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Durant at Harden, humalimaw; Heat at Grizzlies, namayani

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 20, 2021
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 20, 2021




Ipinasok ni Kevin Durant ang tres galing sa pasa ni James Harden na may 36 segundo sa orasan upang buhatin ang Brooklyn Nets laban sa Milwaukee Bucks, 125-123, sa isa sa tampok na laro ng NBA Martin Luther King Day kahapon mula sa Barclays Center.


Nagtala ng halimaw na numero ang dalawang dating MVP ng Nets para sa kartadang 9-6 at lumapit sa Bucks (9-5) at Boston Celtics (8-4) para sa liderato ng Eastern Conference.


May pagkakataon na baligtarin ng Bucks ang resulta subalit nagmintis si Khris Middleton ng tres at napunta ang rebound kay Harden sabay tunog ng busina. Nagtapos si Harden na may 34 puntos habang may 30 puntos si Durant ngunit malaking bagay ang 20 puntos ni Joe Harris habang patuloy na nakaliban si Kyrie Irving.


Bumida sina Zach LaVine at Lauri Markkanen para itulak ang Chicago Bulls sa dominanteng tagumpay sa Houston Rockets, 125-120. Nagsabog ng 33 puntos si LaVine at nag-ambag ng 19 si Markkanen upang masayang ang unang laro ni Victor Oladipo para sa Rockets.


Rumesbak ang Miami Heat sa Detroit Pistons, 113-107, sa likod ng 28 puntos ni Bam Adebayo at 22 puntos ni Goran Dragic. Umakyat ang Heat sa 5-7 at bumawi mula sa 100-120 talo sa Pistons noong Enero 16.


Sa ibang mga laro, bumida sina Ja Morant at Grayson Allen upang makahabol ang Memphis Grizzlies at mabigo ang Phoenix Suns, 108-104. Gumawa si Morant ng anim ng kanyang 17 puntos sa huling quarter kasama ang 10 assist habang may pito ng kanyang 16 puntos si Allen.


Kinailangan din ng New York Knicks ang mahusay na laro nina Julius Randle at RJ Barrett para makabangon kontra sa Orlando Magic, 91-84. Nanguna si Randle na may siyam ng kanyang 21 puntos sa 4th quarter at tinulungan siya ni Barrett na may 22 puntos.


Madaling pinadapa ng Atlanta Hawks ang Minnesota Timberwolves, 108-97. Tatlong Hawks ang gumawa ng 20 puntos o mahigit na sina De’Andre Hunter na may 25, Clint Capela na may 23 at Trae Young na may 20.


Tinambakan ng San Antonio Spurs ang pagod na Portland Trail Blazers, 125-104. Tatlong sunod-sunod na ang panalo ng Toronto Raptors at binigay sa Dallas Mavericks ang kanilang ikatlong sunod na talo, 116-93.


Taon-taon nakikibahagi ang NBA sa selebrasyon ng Martin Luther King Day tuwing pangatlong Lunes ng Enero. Ito ay bilang paggunita sa tanyag na tagasulong ng karapatan ng mga Aprikanong Amerikano noong dekada 60.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page