Dumami ang lisensiyadong GAB Athletes nitong 2022
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 30, 2022

Maituturing ang 2022 bilang “coming out party” para sa Filipino professional sports.
Ayon sa Games and Amusements Board (GAB), patunay dito ang dami ng aprubadong aplikasyon para sa lisensiya sa nakalipas na taon.
Malugod na ibinahagi sa isang panayam sa piling mamahayag ni GAB Officer-In-Charge at Hepe ng Legal Division Atty. Ermar U. Benitez ang magandang balita na nag-isyu ang lupon ng 8,182 lisensiya kumpara sa 4,549 noong 2021 at 2,058 noong 2020. Maliban sa Basketball at 3x3, sakop din dito ang mga disiplina ng Cockfighting, eSports, Volleyball, Golf, Chess, Football, Cycling, Billiards at Motocross.
Makikita na ang Cockfighting ang may pinakamaraming lisensiya na 3,712 kumpara sa dating 729. Kahit maraming umusbong na bagong ligang pro tulad ng NBL at MPBL, pangalawa lang ang Basketball at 3x3 na 1,933 at hindi malayo ang eSports sa 961.
Hiwalay ang mga numero para sa Boxing at iba pang contact sports gaya ng Mixed Martial Arts na halos nag-doble sa 1,116 mula sa 625. Pagdating sa Horseracing, bahagya lang umakyat sa 301 mula sa 235 lisensiya sa gitna ng pagsara ng dalawang makasaysayang karerahan ng Manila Jockey Club at Philippine Racing Club.
Sa pag-usbong muli ng mga laro at libangan, mananatiling maingat pa rin ang GAB sa pagpapatupad ng mga health at safety protocol. Malaking tulong din ang pagdating ng tatlong bagong ambulansya na itatalaga sa opisina sa Makati at mga sangay sa Cebu at Davao.
Dagdag ni Atty. Benitez na bukas sila sa iba pang mga larangan ng palakasan o organisasyon na nais sumailalim sa kanilang gabay. Matatandaan na sa kainitan ng pandemya noong 2020 at 2021, tanging ang pro sports lang ang pinayagan ng pamahalaan dahil ito ang ikinabubuhay ng mga atleta at ibang mga may kinalaman sa palaro.





Comments