top of page

Du30, durog sa drug war — Kaufman... ICC, dedma sa mga patayan sa PBBM ADMIN

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | February 28, 2026



Atty. Kaufman - International Criminal Court

Photo File: Atty. Kaufman - International Criminal Court



Tinanong ni Atty. Nicholas Kaufman, legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) kung balak din ba nitong imbestigahan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kung saan nagpatuloy umano ang mga pagpatay matapos ang termino ng nakalipas na administrasyon.


Ginawa ni Kaufman ang pahayag sa ikatlong araw ng pagdinig para sa confirmation of charges laban kay Duterte na nahaharap sa three counts ng crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya sa war on drugs.


Bagama’t sakop lamang ng pagdinig ang mga krimeng nasa hurisdiksyon ng korte mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, binanggit ni Kaufman ang isang pag-aaral ng University of the Philippines (UP) na nagpapakita na sa 342 pagpatay noong 2022, 162 umano ang isinagawa ng mga state agents sa unang taon ng panunungkulan ni Marcos kung saan lalo pa itong tumaas pagsapit ng 2024.


The conclusion is that there is no reason to believe that Duterte’s disappearance from the political scene would have frustrated the ongoing incidents of murder at the hands of state agents or vigilantes,” wika ni Kaufman.


“Clearly I’m forced to ask myself whether anyone on the other side of this room has thought of investigating the Marcos regime and the related phenomenon and holding someone accountable,” patuloy niya.


Samantala, hinimok ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro si Kaufman na magsampa ng mga kaso sa mga lokal na korte kung nakita niya ang mga umano'y pang-aabuso sa pagpapatupad ng kasalukuyang administrasyon ng anti-drug operations.

“Pag-amin ba iyon na talagang may patayan sa panahon ni dating Pangulong Duterte?

Unang-una, nakakapagtaka na ang kliyente po niya rito ay ang dating Pangulong Duterte pero bakit ang mata niya naka-focus kay Pangulong Marcos, Jr.? Depensa po ba niya ito? Kasi kung depensa po niya ito, nakakatawa. Pero kung may basehan ang sinasabing ito, ang Pangulo alam po natin ayaw po ng marahas na paglaban sa iligal na droga,” pahayag ni Castro.


“Kung ito po ay mabibigyan ng ebidensiya at mayroon talagang dapat na mapanagot, ang PNP po, CIDG, NBI kinakailangang mag-imbestiga rito. Kung mayroong sapat na ebidensiya, hindi po palalagpasin ng Pangulo ang mga abusado,” hirit ng Palace official. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page