DSWD: Solicitation permit muna bago donation drive!

ni Ryan Sison - @Boses | November 19, 2020
Bukod sa lokal at nasyunal na pamahalaan, nariyan din ang mga grupo at indibidwal na kumikilos para makatulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
Kaliwa’t kanan ang mga donation drive na inoorganisa ng iba’t ibang grupo para makalikom ng pambili ng pagkain, inumin at damit sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Kaugnay nito, nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga ito hinggil sa umiiral na national guidelines sa pagsasagawa ng fundraising o solicitation campaigns para sa mga nasalanta ng nagdaang kalamidad.
Base sa DSWD Memorandum Circular 17 series of 2014, hindi pinahihintulutan ang anumang organisasyon o indibidwal na magsagawa ng donation drive kung walang public solicitation permit na manggagaling sa kanilang tanggapan o lokal na pamahalaan.
Giit ng ahensiya, possible itong samantalahin ng mga organisasyon na nagsasagawa ng bogus na charitable works upang makalikom ng pera para sa sariling kapakanan.
Kaya para sa mga nagnanais magsagawa ng fundraising campaign, makiisa tayo sa kautusan ng gobyerno. Ayon naman sa ahensiya, walang bayad ang pagkuha ng public solicitation permit, kaya kailangan lamang magtungo lang sa kanilang tanggapan.
‘Wag nating masamain ang paalalang ito dahil maganda naman ang layunin. Sa panahon na dumaranas ng krisis ang bansa, dapat matiyak na naipamimigay nang tama ang tulong na ipinaaabot sa mga biktima ng kalamidad.
Tayo namang publiko, siguraduhing may pahintulot mula sa DSWD ang mga humihingi ng pera bilang donasyon, lalo na ‘pag sinabing para ito sa mga nasalanta ng kalamidad.
Siguraduhin nating mapupunta sa mga karapat-dapat ang tulong na ibibigay natin mula sa sarili nating bulsa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments