DSWD at DHSUD, sanib-puwersa para sa mga Pilipinong walang tirahan
- BULGAR

- Jun 22
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 22, 2025

Sa gitna ng matinding kahirapan, ang tirahan na isa sa mga pinakakailangan ay madalas na nakakaligtaan.
Kaya naman ang planong pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa housing support o maayos na pabahay sa mga mahihirap ay hindi lang magandang balita — ito ay simbolo ng pagsisimula ng mga magagandang programa ng pamahalaan.
Kung magtatagumpay, maaaring ito na ang tulay patungo sa mas makatao at pangmatagalang solusyon para sa mga kababayang walang tahanan.
Sa naganap na pulong kamakailan, napagkasunduan ng DSWD at DHSUD na magsanib-puwersa upang mapalawak ang pagbibigay ng pabahay para sa mga mahihirap na Pilipino — lalo na sa mga walang permanenteng tirahan at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kina DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling at DSWD Secretary Rex Gatchalian, layon ng kolaborasyon na tiyaking makararating ang housing assistance sa mga tunay na nangangailangan. Kabilang dito ang mga pamilyang matagal nang naninirahan sa mga lansangan at ang mga nasa listahan ng DSWD na kasama sa “indigent households.”
Humingi naman ang DHSUD ng komprehensibong listahan mula sa DSWD upang matukoy ang mga pamilyang maaari nang isailalim sa programa. Bahagi ng kanilang plano ang pag-aalok ng transition shelters at, kalaunan, mga permanenteng tahanan na maituturing na mas matibay na solusyon sa problemang paninirahan.
Sinabi rin ni Aliling na kailangang maipantay ang urban development policies sa realidad ng kahirapan upang hindi lamang pormalidad ng batas ang masunod, kundi ang diwa ng katarungan at pagmamalasakit.
Ang naturang kasunduan ay hindi lang isang administratibong hakbang — isa itong paalala na ang pagkakaroon ng tirahan ay hindi lang pribilehiyo kundi karapatan ng bawat mamayan.
Sa ganitong programa ng ating gobyerno, maaaring maging simula ito ng sistematikong pagbuwag sa tinatawag na “cycle of poverty” na paulit-ulit na binabalikan ng milyun-milyong Pilipino.
Marahil ang tagumpay nito ay hindi lamang masusukat sa rami ng mga naipapatayong bahay kundi sa rami ng pamilyang maiaalis sa mga lansangan, masasagip sa kahihiyan at kawalan ng pag-asa, at maitatawid mula sa kahirapan.
Dahil ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa loob ng tahanan, at kung bibigyang puwang ang ganitong inisyatiba, wala nang kababayang maiiwan at maninirahan pa sa kung saan-saan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments