Drone at airstrike umatake sa Lebanon, 22 utas
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | May 15, 2026

Nasawi ang dalawampu’t dalawang katao, kabilang ang walong bata, sa serye ng airstrike ng Israel sa timog ng Lebanon.
Patuloy ang bakbakan sa pagitan ng Israel at grupong Hezbollah sa kabila ng umiiral na tigil-putukan.
Ayon sa ulat, magkakasunod na drone at airstrike ang tumama sa iba’t ibang lugar sa south Lebanon, kabilang ang mga sasakyan at kabahayan sa mga lungsod at bayan tulad ng Sidon, Naqoura, Arab Salim, Roumine at iba pa. May mga paramedic din na nasawi habang nasa rescue mission.
Sinabi ng militar ng Israel na tinatarget nito ang mga armas at imprastruktura ng Hezbollah, habang nagbabala rin ito sa mga residente sa ilang bayan na lumikas dahil sa planong operasyon.
Samantala, naglunsad din ng ganting-atake ang Hezbollah laban sa mga tropang Israeli sa southern Lebanon gamit ang drone, rocket at iba pang armas.
Nagpahayag ng pag-aalala ang United Nations Interim Force in Lebanon dahil sa tumitinding labanan malapit sa kanilang mga posisyon.
Ayon sa health ministry ng Lebanon, mahigit 400 na ang patay mula nang ipatupad ang tigil-putukan ilang linggo na ang nakalipas, habang libu-libong bahay na rin ang napinsala.
Patuloy ang mga sagupaan habang inaasahang magkakaroon ng panibagong usapang pangkapayapaan sa Washington sa mga susunod na araw.
11 sakay, himalang nakaligtas
EROPLANO NAG-DIVE SA DAGAT
HIMALANG nakaligtas ang lahat ng 11 katao na sakay ng isang pribadong eroplano na bumagsak sa dagat sa bahagi ng central Florida matapos silang masagip ng mga tauhan ng US Air Force Reserve at US Coast Guard.
Ang eroplano, na nagmula sa Bahamas, ay bumagsak humigit-kumulang 80 milya mula sa baybayin matapos umano itong makaranas ng problema sa makina. Agad namang natukoy ng Coast Guard ang emergency signal nito, kaya mabilis na naipadala ang rescue team.
Natagpuan ang mga sakay sa isang liferaft matapos ang halos limang oras sa dagat. Binigyan sila ng pagkain, tubig, at iba pang suplay habang hinihintay ang pagsagip.
Kalaunan, iniahon sila gamit ang rescue helicopter at dinala sa Melbourne Orlando International Airport para sa medikal na atensyon.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad sa Bahamas ang sanhi ng insidente.
May bakas ng cocaine sa katawan
NANAY KULONG SA PAGKAMATAY NG ANAK NA EDAD 2 AT 3
ARESTADO ang isang ina sa Florida tatlong buwan matapos malunod ang kanyang dalawang anak na edad 2 at 3 sa Katy, Texas, na kalaunan ay nakumpirmang may cocaine sa kanilang mga katawan.
Ayon sa Harris County Sheriff’s Office, tumugon ang mga otoridad noong Pebrero 11 sa ulat ng pagkalunod ng dalawang bata sa isang tahanan. Lumabas sa toxicology tests na may bakas ng cocaine sa kanilang sistema, na nagbunsod ng imbestigasyon kung paano sila nalantad dito at kung may pananagutan ang kanilang ina na si Laura Nicholson, 23.
Noong Mayo 8, kinasuhan si Nicholson ng 2-counts of injury to a child. Inaresto siya kalaunan sa Fort Myers, Florida, matapos siyang matunton ng mga otoridad.
Natagpuan siya sa isang mental health facility at dinala sa kustodiya ng Lee County Sheriff’s Office
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso, kabilang ang paraan kung paano nalantad sa cocaine ang mga bata at kung may iba pang maaaring maharap sa kaso.





Comments