Droga, ipinupuslit sa stuffed toys, dapat pigilan
- BULGAR

- 15 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | November 27, 2025

Magising na dapat ang lahat sa katotohanang kahit mga laruan na para sana sa kasiyahan ng nakararami ay nagiging daan sa ilegal na gawain.
Ang pagkakasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ng P807,000 halaga ng high-grade “kush” marijuana na itinago sa loob ng Labubu stuffed toy keychains sa Port of Clark ay malinaw na patunay na desperado at matindi na ang galawan ng drug smuggling ngayon sa bansa.
Ayon sa BOC, ang parcel na mula Hong Kong na patungo sa Biñan, Laguna ay dumating noong Nob. 15. Sa paunang X-ray inspection, nakitaan ito ng kahina-hinalang imahe, kaya isinailalim pa sa K-9 inspection ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Nob. 19. Nagpositibo ito sa illegal drugs, dahilan para buksan at suriin nang buo ang laman. Nadiskubre umano ng mga otoridad ang 538 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon at fruiting tops na nakasilid sa dalawang sealed pouches sa loob ng kahon ng collectible keychains.
Kinumpirma ng laboratory test na ang laman ay tetrahydrocannabinol (THC) — ito ay psychoactive compound ng marijuana.
Dahil dito, agad naglabas ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC para sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act, kaugnay ng Republic Act 9165 (Dangerous Drugs Act).
Ang mabilis na koordinasyon ng Port of Clark personnel at PDEA, at sa profiling efforts ng frontline officers ay nasabat ang napakalaking halaga ng marijuana. Kaya naman nananatili ang Port of Clark na nasa heightened alert laban sa drug smuggling. Ito rin ay nasa direktiba ng Pangulo, kung saan dapat palakasin ang ating border security.
Kung ang stuffed toy keychains na pambata ay nagiging taguan na ng droga, lalong dapat mag-ingat ang publiko.
Hindi lahat ng mukhang maganda at maayos ang panlabas ay ligtas nang gamitin o bilhin. Kung may batang makakuha ng ganitong produkto, tiyak ang panganib na idudulot nito.
Ang ganitong modus ay hindi lang maituturing na krimen, bagkus sadyang walang konsensyang nagsasamantala makapagpuslit lamang ng droga.
Dapat na higpitan ng kinauukulan ang pagbabantay. Kailangang maging mas agresibo ang kampanya kontra-drug smuggling, lalo na kung ginagamitan na ng mga sindikato ng kakaibang diskarte para malusutan ang batas.
Kailangan ding isipin ang seguridad ng bawat pamayanan, lalo na ng mga bata, kung saan hindi dapat isugal. Huwag hayaan na nagagamit ang mga simpleng laruan sa mga ilegal na gawain.
Nararapat na patuloy ang mga hakbangin ng ating gobyerno para pigilan ang mga ganitong uri ng krimen. Panahon na rin para paigtingin, tuldukan at tuluyang wakasan ang drug smuggling sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments