Driver’s license oks na, plaka ng sasakyan problema pa rin
- BULGAR

- Oct 24, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 24, 2024

Kaunting tiis pa para sa mga motorista dahil mahaba-haba pa rin ang tatakbuhin bago tuluyang maresolba ang tungkol sa motor vehicle license plates.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), umaasa silang matugunan ang kanilang backlog sa distribusyon ng mga plaka ng sasakyan sa June next year.
Ito ang sinabi ni LTO Executive Director Atty. Greg Pua, Jr. sa ginanap na hearing ng Senate Committee on Public Services kung saan aniya, sa mga dealer ng mga sasakyan nagkakaroon ng problema.
Pahayag ni Pua, marami nang pumunta sa ahensya na naghahanap ng plaka at kapag tiningnan nila sa kanilang records ay makikita na naibigay na ito sa dealer ilang buwan na ang nakararaan. Sa ganoong kaso ay kanilang sino-show cause ang dealer at pinagpapaliwanag ito kung bakit hindi nai-distribute ang mga plaka sa mga tao.
Gayundin aniya, ang kanilang commitment sa Pangulo ay matapos ang lahat ng backlogs, motorcycle o motor vehicle plates backlog sa June 2025.
Ipinaliwanag naman ng opisyal na sa halip na bumili ng mga blank plate ay bumibili sila ng mga finished plates upang makadagdag sa produksyon ng plaka ng LTO sa planta nito.
At tungkol sa mga plaka ng motorsiklo, tinutugunan din nila ang backlog nila rito.
Ayon kay Pua, year 2023, 2022, 2021, sa mga taong ito ang backlog ng kanilang motorcycle plates dahil ito sa mga problema na nangyari noon sa LTO. Gayunman, nagkaroon na ng bulto o bulk ng kanilang produksyon upang matugunan ang kanilang backlog.
Patungkol naman sa mga driver’s license, ayon kay Pua walang kakulangan o shortage ng mga cards. Hinikayat din niya ang mga motorista na mayroong paper license na magpunta sa mga LTO office dahil ready na ang mga naturang cards.
Marahil, panahon na para tapusin ang problema tungkol sa mga plaka ng sasakyan.
Masaklap kasi rito, prone sa panghuhuli ng mga otoridad ang mga motorista dahil sa ginagamit nila ang kanilang mga sasakyan na hindi pa pala legit ang mga plaka. Ang siste, pagmumultahin ang kaawa-awang motorista ng traffic enforcer dahil hindi nga kumpleto ang requirement na hindi naman nila kasalanan.
Kaya sana sa kinauukulan ay huwag nang patagalin pa ang pagbibigay ng mga plaka ng mga sasakyan at sikapin na maipamahagi na ito nang hindi na umabot pa next year.
Pakiusap lang sa mga dealer na huwag sanang ipitin ang mga plaka ng ating mga kababayang motorista. Hindi porke okey na ang naging transaksyon ninyo at nabili na ang sasakyan ay tapos na lahat. Obligasyon pa rin naman ninyo ang serbisyuhan at ibigay ang napakaimportanteng plaka ng sasakyan na isa sa mga requirement ng kinauukulan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments