Dreamsoftheworld nagpasikat sa 3-YO
- BULGAR
- Oct 3, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | October 03, 2023
Nagpasiklab si Dreamsoftheworld sa karerahan matapos manalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kumaripas sa largahan ang matulin na si Moon Island pero sinundan agad siya ni Dreamsoftheworld para tutukan habang katabi niya ang nasa tersero puwesto na si Time Traveller.
Papasok ng far turn ay kumakapit na sina Time Traveller, Dreamsoftheworld at rumeremateng si American Pariah kay Moon Island.
Nagkapanabayan ang apat na kabayong nabanggit pagsungaw ng rektahan pero sa huling 100 metro ng labanan ay nakuha na ni Dreamsoftheworld ang unahan.
Ginabayan ni veteran rider Jeffrey Bacaycay, tinawid ni Dreamsoftheworld ang meta ng may apat na kabayong agwat sa pumangalawang si American Pariah sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Inilista ni Dreamsoftheworld ang tiyempong 1:00.4 minuto sa 1,000 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner ang P20,000 added prize.
Pangatlong dumating sa finish line si Time Traveller habang pumang-apat si Moon Island, ang nasabing karera ay pinasibat sa pangalawang race.
Balanse ang inihandang pitong karera ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya naman maganda ang naging bentahan sa takilya.
Samantala, nagtala ng back-to-back wins si jockey Claro S. Pare Jr. matapos ipanalo sina Kalanggaman Island at Little Ms. Saturday sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System races na pinatakbo sa pangatlo at pang-apat na karera ayon sa pagkakasunod.





Comments