Dragons, sure sa 2x-to-beat, Mapua, pumorma pa sa 7th win
- BULGAR
- Nov 24, 2022
- 2 min read
ni Gerard Arce - @Sports | November 24, 2022

Naibulsa ng Bay Area Dragons ang panigurong twice-to-beat advantage patungong quarterfinals nang gulpihin ang TNT Tropang Giga sa bisa ng 140-108, kahapon sa 2022 PBA Commissioner’s Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Seryoso ang Dragons na kuhanin ang panalo sa simula pa lang ng laro nang itala ang season high 80 puntos sa first half pa lang matapos kunin ang 32 puntos na panalo para sa ikaapat na sunod na panalo sa pagtatapos ng huling laro ng eliminasyon sa 10-2 kartada.
Ibinigay din ng Dragons ang pinakamasaklap na pagkatalo sa TNT sapul noong 2019 Commissioner’s Cup, habang kinuha nito ang panigurong una o ikalawang puwesto sa quarterfinals, kung saan hinihintay pa ang mga huling laro ng Brgy. Ginebra na tumalo sa kanila sa eliminasyon na may 7-2 marka, habang kabuntot ang Magnolia Timplados sa 8-2 rekord.
Samantala, bumitaw ng maiinit na buslo sa final period ang tambalang Paolo Hernandez at Rence Nocum upang ibigay sa Mapua University Cardinals ang ika-7 panalo sa huling araw ng elimination round laban sa kapwa laglag sa semifinals na San Sebastian College-Recoletos Stags sa iskor na 75-67 sa 98th NCAA men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumitaw ng pinagsamang 25 puntos sina Hernandez at Nocum sa final period upang baliktarin ng Cardinals ang sitwasyon ng laro upang makuha ang huling panalo sa pinal na laro sa liga. Tumapos si Hernandez ng 13 sa 22 puntos sa 4th period, kasama ang 8 rebounds, 5 assists at 2 blocks, habang kumana si Nocum ng ng 17 puntos, kabilang ang 4 rebounds. Tinapos ng Mapua ang kampanya sa 7-11 kartada na hindi tulad nang pinatunguhan noong isang taon na umabot ng championship round.





Comments