top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Dra. Cainglet, nanguna sa draft ng WNBL, kasama ang 38 iba pa

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 15, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 15, 2021





Gumawa ng kasaysayan ang isang doktora matapos siyang maging pinakaunang napiling manlalaro sa 2021 Women’s National Basketball League (WNBL). Maglalaro si dating University of the Philippines point guard Fille Claudine Cainglet para sa Glutagence Glow Boosters sa pinakauna at nag-iisang ligang propesyonal ng kababaihan kasama ang 38 iba pang mapalad na itinawag ang pangalan sa payak na seremonya na ginanap online noong Sabado ng gabi.


Kasunod ni Cainglet, kinuha ng Glow Boosters ang tambalang guwardiya ng DLSU na sina Camille Claro at Khate Castillo. Sa next round ay mga matatangkad ang kinuha nila sa katauhan nina Camille Sambile, April Lualhati, Nicole Cancio at Carolina Sangalang at dating national player Raiza Palmera-Dy at kinumpleto ang koponan sa pagtawag kay Nicole Garcia, Samantha Tan, Ayra Hufanda at ang ika-39 at huling pinili na si Camille Ramos.


Matapos ang unang talong pinili ng Glutagence, pumasok ang Stan Quezon at kinuha nila si Dianne Ventura ng UE. Makakasama niya sa Lady Spartan sina Kat Araja, Jo Razalo, Angelica de Austa, Karla Manuel, Nikka Tupaz, Jade Valenzuela, Anna Iida, Veronica Lio at Bienca Ramos.


Unang pumili ang Pacific Water sa 4th at 5th round para kunin sina sentro Snow Penaranda ng DLSU at forward Cara Buendia ng ADMU. Nakakagulat na ang MVP ng huling UAAP Finals na si Monique del Carmen ng NU ay nakuha noong 9th round habang ang ibang tinawag ng Queens ay sina Elaisa Adriano, Crislyn Mier, Cristine Cortizano, Nefriteri Taller, Janella Alba at Jinky Balasta.


Pinaka-kaunting nakuha ang nagbabalik na Paranaque Lady Aces subalit kalidad pa rin sa pangunguna ni Angelie Gloriani ng DLSU sa Round Five at Mary Joy Galicia ng UST sa Round Six. Ang iba pang mga maglalaro sa Lady Aces ay sina Jhenn Angeles, Vanessa Santos, Regina de la Merced, Jenina Solis, Sthefanie Ventura at Jaira Barde.


Bibigyan ng dalawang linggo ang mga koponan na papirmahan ng kontrata ang kanilang mga pinili kundi magiging mga free agent sila at papayagang pumunta sa kahit saang koponan na kukuha sa kanila. Ang ika-5 kalahok, ang Go For Gold-Philippine Navy Lady Sailors, ay hindi kumuha sa draft at sa halip ay kukuha sa hanay ng mga sundalo.


Nakikipag-ugnayan na ang WNBL sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Games and Amusements Board (GAB) tungkol sa pagsisimula ng ensayo. Inaasahan na magbubukas ang liga sa second quarter ng taong kasalukuyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page