Donny, umawat, nasigawan din… ROBI, SINUGOD NI JOHN LLOYD SA KASAL NINA ZANJOE AT RIA, MUNTIK SUNTUKIN
- BULGAR

- 21 hours ago
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 8, 2026

Photo: IG _johnlloydcruz83 & _iamrobidomingo
Trending ngayon ang balitang nagkainitan sina Robi Domingo at John Lloyd Cruz sa wedding reception nina Zanjoe Marudo at Ria Atayde.
Ibinalita ni Ogie Diaz sa Showbiz Update (SU) vlog nila ni Mama Loi kasama sina Tita Jegs, Tamerlane Mopia o Alaska Boy at Oliver Carnay nitong Martes ng gabi na walang nakakuha ng video o larawan kina Lloydie at Robi dahil walang hawak na cellphone ang mga bisita.
Bungad ni Ogie, “Pansinin ninyo, walang nakakuha ng video. Walang mga cellphone lalo na sa reception. May pouch bag na ibinigay sa lahat para roon isilid ang cellphone. Request ng bagong kasal na walang magbi-video kaya pansinin n’yo, walang lumabas tungkol sa kasalang Zanjoe at Ria.”
Dagdag pa niya, “Gusto ng dalawa na mag-enjoy sila, magwalwal, magsuka ‘pag nalasing na para walang magkukuha.”
“Para walang mako-conscious and you can be yourself and enjoy the company of your friends,” paliwanag naman ni Mama Loi.
Naikuwento ni Ogie na si Robi ang host sa reception at dahil pawang close friends ang bisita bukod sa pamilya nina Zanjoe at Ria ay may mga biruan.
“So, habang nagho-host daw si Robi, kuwento lamang ito ng isa sa mga nakasaksi roon, nasambit niya kay Ria na ‘How does it feel to be Mrs. Marudo?’ at kay Zanjoe naman, ‘How does it feel to be Mr. Atayde?’ S’yempre, magkakaibigan sila, kaya tawanan. Wala namang napikon, pati sina Zanjoe at Ria ay natawa dahil sobrang close nila,” kuwento ni Ogie.
Matapos ang stint ni Robi ay bumaba na ito ng entablado at pumunta raw sa bar.
“So pagbaba ni Robi, biglang lumapit si John Lloyd Cruz. Nang lumapit siya ay napalakas ang boses n’ya kaya nakapukaw ng atensiyon ng ibang bisita,” ayon kay Ogie.
“Sabi raw ni John Lloyd kay Robi, ‘Mali ‘yung sinabi mo. Inappropriate ‘yung sinabi mo. Okay ba ‘yung sinabi mo na tawagin mong Mr. Atayde si Zanjoe?’
“Sagot daw ni Robi, ‘May isyu ba tayo? Bakit? Ano ang gusto mong mangyari?’ Pasugod daw ang pagkakasabi ni Lloydie,” tsika pa ni Ogie.
Reaksiyon ng mga co-hosts ni Ogie, baka raw nakainom si John Lloyd.
Ayon kay Oliver Carnay, “Lasing na si John Lloyd.”
Dagdag ni Ogie, “Napahinto ang mga tao at napatingin sila dahil malakas ang boses ni
John Lloyd. Malaki ang venue pero tumigil ang lahat. To the rescue si Donny Pangilinan dahil kaibigan n’ya si Robi at nakaalalay lang kung sakaling kailangang umawat.”
“Napanganga rin sina Enchong Dee at Elijah Canlas. Nandu’n din si Gary V. at ang mga Valenciano kaya na-shocked sila,” dagdag pa niya.
Sundot ni Mama Loi, “So, ano’ng nangyari?”
“Base sa nakakita, nag-aabang lang si Robi kung uundayan s’ya ng suntok ni John Lloyd pero ‘di nangyari dahil napakiusapan na bigyang respeto ang moment nina Zanjoe at Ria,” sagot ni Ogie.
Paulit-ulit na tanong ni Oliver Carnay, “Baka naman lasing na si John Lloyd?”
Sabi ni Ogie, “Malamang inuman na ‘yun. Kita mo, walang lumabas, walang nagtututok ng kamera.
“Nasigawan din si Donny ni John Lloyd ng ‘‘Wag kang makialam dito, ha!’”
Na-pacify din ang sitwasyon ngunit hindi na nag-usap ang mga sangkot. Ayon kay Ogie Diaz, mahirap husgahan ang nangyari dahil wala sila roon.
May opinyon naman si Mama Loi, na isa ring event organizer.
“Wala pa akong na-experience na ganyan. Kung biruan lang ng mga friends among friends, okay lang. Pero baka sensitive ang tanong. ‘Pag tinanong ang lalaki bilang Mr. na apelyido ng babae, parang nakakailalim ‘yun sa lalaki para sa iba. Pero kung magkakaibigan, madalas, ‘di ‘yun issue,” paliwanag niya.
Aniya pa, “Baka noong gabing ‘yun ay medyo na-offend si John Lloyd para sa kaibigan niyang si Zanjoe.”
Bukas ang BULGAR sa panig ng mga personalidad na nabanggit tungkol sa isyung ito.
SPEAKING of Donny Pangilinan bilang Liam, mukhang siya ang makakabuking ng lihim na iniingat-ingatan ng kanyang mga magulang na sina Lorna Tolentino bilang Greta at Raymond Bagatsing bilang Magnus sa seryeng Roja.
Nahuli ni Liam na may patagong kausap sa cellphone ang kanyang ina at nang tanungin niya ay paiwas ang sagot nito kaya lalo siyang nagduda.
Isa pang may lihim ay sina Janice de Belen bilang Wendy at Raymond na hindi pa malinaw kung ano ang pinagtatalunan nila nang mahuli sila ni Greta.
Hinala ng marami ay si Raymond ang ama ni Kyle Echarri bilang Olsen na hindi pa rin nakikilala ang tunay na ama.
Pasabog agad ang pagpasok ng Bagong Taon para sa Roja matapos ilabas ang mid-season trailer tampok ang umiigting na bakbakan nina Donny at Kyle na napapanood sa Kapamilya Channel sa ALLTV2.
Nakamit ng Roja ang bagong all-time high online record matapos makakuha ng 541,446 peak concurrent viewers sa Kapamilya Online Live noong Enero 5.
Mapapanood ang Roja gabi-gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:45 PM sa Kapamilya Channel sa ALLTV2, A2Z, at Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB).
Available rin ito 72 oras na mas maaga sa Netflix at 48 oras na mas maaga sa iWant.
Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel.







Comments