Doncic unang naka-6 na sunod na triple-double
ni Anthony Servinio @Sports | March 11, 2024

Naging unang manlalaro si Luka Doncic na may anim na sunod na triple-double na may higit 30 puntos sa 142-124 tambakan ng Dallas Mavericks sa kulelat na Detroit Pistons sa NBA kahapon sa Little Caesars Arena. Kasabay nito ay pinatibay ng Boston Celtics ang hawak nila sa liderato ng liga sa 117-107 panalo sa Phoenix Suns.
Pinitas ni Doncic ang ika-10 rebound upang makumpleto ang triple-double at pinaupo na siya sa nalalabing tatlong minuto at komportableng lamang ang Mavs, 128-108. Nagtapos siya na may 39 puntos, 10 rebound at 10 assist.
Nagsimula ang pamamayagpag ni Doncic noong Pebrero 29 laban sa Toronto Raptors. Sa nakalipas na anim na laro ay pantay ang Mavs sa 3-3 subalit wagi sa huling dalawa para sa kartadang 36-28 at ika-walo sa Western Conference.
Lumamang ng maaga ang Suns, 18-14, pero binura ito agad nina Jayson Tatum at Jaylen Brown para kunin ang first quarter at hindi na isinuko ito, 31-26. Nakatamasa ng ilang 15 puntos na lamang ang Celtics, ang huli ay 103-88 sa shoot ni Brown at walong minuto ang nalalabi, at kumapit sa gitna ng tangkang humabol ng Phoenix sa likod ni Kevin Durant.
Uminit para sa 13 ng kanyang 29 si Tatum sa fourth quarter at may dagdag na 10 rebound. Sumuporta si Brown na may 27 at nasayang ang trinabaho ni Durant na 45 puntos at 10 rebound.
Nilampasan ng World Champion Denver Nuggets ang hamon ni Jordan Clarkson at Utah Jazz, 142-121, salamat sa 37 ni Jamal Murray. Ang tagumpay ay kasunod ng 115-109 panalo ng Nuggets sa numero unong Boston noong Biyernes.





Comments