Doncic, triple double sa Pelicans, Schroder ng Bulls, nanuwag,
- BULGAR
- Jan 9, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 9, 2023

Buhay na buhay ang kampanya ng Los Angeles Lakers at limang sunod na ang kanilang tagumpay matapos takasan ang Sacramento Kings, 136-134 sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Golden 1 Center.
Sa Eastern Conference, sumandal ang Chicago Bulls sa kanilang mga superstar sa 4th quarter upang padapain ang bisitang Utah Jazz, 126-118.
Ipinasok ni Dennis Schroder ang dalawang free throw na may 3.6 segundo sa orasan upang paakyatin ang Lakers sa kartadang 19-21. Bago noon ay inagaw ng Lakers ang lamang sa three-point play ni LeBron James at free throw ni Russell Westbrook subalit itinabla muli ni De’Aaron Fox ang laban, 134-134 at 7.4 segundong nalalabi at agad niyang binigyan ng foul si Schroder.
Nagtapos si LBJ na may 37 puntos at sinundan ni sentro Thomas Bryant na may 29 puntos at 14 rebound. Nag-ambag ng 27 puntos si Schroder at 23 puntos at 15 assist si Westbrook bilang reserba.
Humirit ang Jazz sa shoot ni kabayan Jordan Clarkson, 112-116, at sinagot ito ng three-point play in DeMar DeRozan na hudyat ng hataw kasama si Zach LaVine sa last two minutes. Nanguna si LaVine na may 36 mula sa anim na tres at 35 puntos si DeRozan.
Bumida muli si Jayson Tatum sa huling mga segundo at naging susi ng 121-116 panalo ng numero unong Boston Celtics sa San Antonio Spurs.
Samantala, inaliw muli ni Luka Doncic ang mga tagahanga sa isa pang triple double na 34 puntos, 10 rebound at 10 assist patungo sa sa 127-115 tagumpay sa bisitang New Orleans Pelicans. Umulit ang bisitang Orlando Magic sa World Champion Golden State Warriors, 115-101, sa likod ng 25 puntos ni numero unong rookie Paolo Banchero.





Comments