Doncic ng Mavericks, naisahan si Curry, Powell, bida sa Clippers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 1, 2022

Naisahan ni Luka Doncic ang kapwa superstar Stephen Curry upang itulak ang Dallas Mavericks sa 116-113 panalo sa World Champion Golden State Warriors sa NBA kahapon mula sa American Airlines Center. Patuloy pa rin ang suliranin ng Warriors na dalawa lang ang panalo sa 12 laro kung saan sila ang bumibisita.
Umabot hanggang huli ang palitan ng pasabog ng dalawang bituin at naka-shoot si Curry upang maging isa na lang ang lamang ng Mavs, 112-113. Sinagot ito ng tira ni Doncic upang makahinga ng saglit ang Dallas na may isang minuto sa orasan, 115-112, at nagpalitan ng free throw sina Curry at Dorian Finney-Smith para sa huling talaan.
Nagtapos si Doncic na may halimaw na triple double na 41 puntos, 12 rebound at 12 assist. Sinundan siya ni Hardaway na may 22 mula sa limang tres at pantay na sa 10-10 ang kartada ng Dallas.
Hindi sumapat ang 32 puntos ni Curry at pantay na rin sila sa 11-11 panalo-talo.
Sumunod si Jonathan Kuminga na may 14 puntos at 10 rebound subalit 5 puntos lang si Klay Thompson na nagmintis ng tres bago ang huling busina.
Sa ibang mga laro, bumanat ng 32 puntos ang reserbang si Norman Powell upang buhayin ang bisitang Los Angeles Clippers laban sa Portland Trail Blazers, 118-112.
Sumunod si Reggie Jackson na may 24 puntos sa gitna ng sabay pagliban nina Paul George and Kawhi Leonard.
Tinambakan ng New York Knicks ang kulelat na Detroit Pistons, 140-110. Bumida sa Julius Randle sa 36 puntos at sinuportahan ng mga guwardiyang sina Jalen Brunson at Quentin Grimes na parehong nagsumite ng tig-16 puntos.





Comments