top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Doncic, nangalabaw sa Mavs, Curry, bumida sa Warriors

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 29, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 29, 2022



Lumikhang muli ng himala si Luka Doncic at ibinuhat niya ang bisitang Dallas Mavericks sa 129-125 panalo sa Brooklyn Nets sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Barclays Center. Bumalik din sa daan ng tagumpay ang World Champion Golden State Warriors at pinalamig ang bisitang Miami Heat, 123-110.


Nagtala ng apat na puntos si Doncic sa overtime upang itulak ang Mavs sa 125-116 lamang at dalawang minuto ang nalalabi. Nagbanta ang Nets sa likod ng mga free throw ni Kevin Durant at shoot ni Kyrie Irving, 120-125, subalit ipinasa ni Doncic ang bola kay Tim Hardaway Jr. para sa pandiin na puntos at 32 segundo sa orasan, 127-120.


Nagtapos si Doncic na may triple double na 41 puntos, 11 rebound at 14 assist. Gumawa ng 37 puntos si Durant kasama ang dunk na may walong segundo sa fourth quarter na nagtakda ng overtime, 120-120.


Kontrolado ng Warriors ang buong laro maliban sa ilang bahagi ng third quarter kung saan pumalag ang Heat at saglit linasap ang lamang, 80-79. Tuluyang nawala ang init ng laro ng Miami sa fourth quarter at gumana ang shooting ni Stephen Curry at ibinalik sa 13 puntos na lamang sa pagtunog ng busina.


Ipinasok ni Curry ang 10 ng kanyang 33 puntos sa fourth quarter buhat sa pitong three-points. Sinundan siya ni Klay Thompson na may 19 puntos at umangat ang Warriors sa 3-2 katabla ang Minnesota Timberwolves, San Antonio Spurs at Denver Nuggets sa Western Conference.


Sa ibang mga laro, pinadapa ng Memphis Grizzlies ang Sacramento Kings, 125-110, at sumosyo sa liderato ng West kasama ang Utah Jazz at Portland Trail Blazers sa 4-1.


Bumuhos ng 31 puntos si Desmond Bane para sa Grizzlies at nanatiling walang panalo ang Kings sa 0-4.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page