Doncic, nag-triple double; tahimik ang nag-no. 1 na Celtics
ni Anthony E. Servinio @Sports | December 29, 2022

Matinding mahika ang hinabi ni Luka Doncic sa 126-121 panalo sa overtime ng kanyang Dallas Mavericks sa bisitang New York Knicks sa NBA kahapon mula sa American Airlines Center. Nagtala si Doncic ng triple-double na 60 puntos, 21 rebound at 10 assist – ang unang manlalaro sa kasaysayan na may ganyang numero.
Patungo na sana ang Knicks sa panalo, 112-103, at 33 segundo sa orasan subalit humabol ang Mavs sa likod nina Doncic, Christian Wood at Spencer Dinwiddie. Minintis ni Doncic ang kanyang free throw, nasungkit ang rebound at naka-shoot sabay ng busina upang itakda ang overtime, 115-115.
Sa gitna ng agaw-pansing ipinakita ni Doncic ay tahimik na nanatiling numero uno sa NBA ang Boston Celtics matapos manaig sa Houston Rockets, 126-102. Lumiban si Coach Joe Mazzulla dahil may karamdaman sa mata at pinalitan pansamantala ni assistant Damon Stoudamire subalit hindi ito naging hadlang para makamit ng Boston ang kartadang 25-10.
Walang sagot ang depensa sa “The Jays” na sina Jaylen Brown na nagsabog ng 39 puntos at Jayson Tatum na may 38 puntos. Nanguna sa Houston si kabayan Jalen Green na may 28 puntos at lalong lumubog sa pinakailalim ng Western Conference ang Rockets sa 10-24.
Hawak pa rin ng Denver Nuggets ang liderato ng West sa bisa ng 113-106 pagtumba sa Sacramento Kings salamat sa 30 puntos ni Michael Porter Jr., 25 puntos ni Jamal Murray at 20 puntos at 11 assist ni MVP Nikola Jokic patungo sa 22-11 panalo-talo. Pumulot ng panalo ang World Champion Golden State Warriors kontra sa Charlotte Hornetrs, 110-105, sa likod ng 29 puntos ni Klay Thompson at sinundan ni Jordan Poole na nag-ambag ng 24.





Comments