Don Julio, pinaligaya ang mga karerista
- BULGAR
- Aug 1, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | August 01, 2023
Pinasaya ni super outstanding favorite Don Julio ang kanyang mga tagahanga matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Linggo ng hapon.
Pag-arangkada sa aparato ay kumuha ng unahan si Don Julio at hindi na ito binitiwan upang manalo ng banderang tapos.
Hindi pinaporma ni Don Julio ang mga katunggali kaya maaga nitong nasungkit ang panalo.
Umungos si Don Julio ng dalawang kabayo sa rektahan subalit umabot pa ito hanggang walong kabayo sa pumangalawang Bravo pagtawid ng meta.
Pangatlo si Reliable Den habang pumang-apat ang Rockstar Show na ginabayan ni JL Santiago sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nirendahan ni jockey Rico Suson, inirehistro ng Don Julio ang impresibong tiyempo na 1:24.6 minuto sa 1,400 meter race. "Matikas at magaling na kabayo si Don Julio, puwedeng isali sa malalaking karera at malaki rin ang tsansang manalo basta maganda ang pagkakahanda sa kanya," lahad ni Dennis Beltran, veteran karerista. Kinubra ng winning horse owner na si FR Sevilla Jr. ang P10,000 added prize sa event na pinakawalan sa unang karera.
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naging masaya ang pananaya ng mga karerista.





Comments