top of page
Search
BULGAR

Don Julio, madaling nanalo sa Special Race

ni Green Lantern @Renda at Latigo | Abril 15, 2024

 

Magaan na nabingwit ng Don Julio ang panalo sa NJPJAI-Congressman Marvin D. Rillo Special Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.


Nirendahan ni jockey AP Asuncion ang Don Julio na ipinuwesto sa pangalawa sa largahan upang panoorin sa unahan ang matulin na Asiong.


Bentahe ang Asiong ng apat na kabayo sa kalagitnaan ng karera pero bago sumapit ng far turn ay inagaw na ng Don Julio ang unahan at makalamang agad ng dalawang kabayo.


Kaya naman papalapit pa lang ng home turn ay nasa limang kabayo na ang kanyang lamang sa umagaw ng segundo na Flattering You habang nauupos na ang Asiong.


Halos mag-isang tinakbo ng Don Julio ang rektahan, halos wala ng gustong humabol at nanalo ito ng may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Flattering You, tersero naman ang Hamlet habang pang-apat ang Asiong. Inirehistro ng Don Julio ang tiyempong 1:25 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Felizardo Sevilla ang P11,000 added prize.


Nagbulsa naman ang winning jockey na si Asuncion ng P3,000, P2,500 naman ang napunta kay Kelvin Abobo na rumenda kay Flattering You, habang tig-P2,000 at P1,500 ang 3rd at 4th jockeys na sina Andreu Villegas at AM Tancioco na gumabay kina Hamlet at Asiong ayon sa pagkakasunod.


Samantala, 8 races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Sabado kaya naman masaya ang paglilibang ng mga karerista.


Ang nasabing karera ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon. 

 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page