top of page
Pokwang.jpg

Dollar Remittances ng mga OFW, mas lumaki pa sa panahon pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 4, 2020
2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | December 4, 2020



Nanatiling buhay na bayani ang OFWs sa panahon ng pandemic.


Gulugod ng ekonomiya ang multi-bilyong dolyares na remittances ng OFWs kaya’t nakakatindig ang ating ekonomiya!


◘◘◘


Ngayong Disyembre ang Month for Overseas Filipino Workers at marapat lamang na bigyan natin sila ng pagkilala.


Ngunit kakambal nito ang mga pagdurusa at pasakit na kanilang nararanasan hindi lamang sa mga bansang kanilang pinagsisislbihan kundi pati na rin sa bansang kanilang sinilangan!


◘◘◘


Kaliwa’t kanan ang nararanasang pagmamaltrato, pagmamalabis, sexual assault, mababang sahod at kung anu-ano pang insidente ng karahasan ng OFWs sa layuning kumita ng pera upang may maitustus sa pangangailangan ng kanilang pamilyang naiwan sa ‘Pinas.


Ikinatuwa nila nang ipatupad ni dating DFA Secretary Alan Cayetano ang dagdag na Assistance to Nationals (ATN) fund mula P400 milyon hanggang P1 bilyon!


◘◘◘


Pinalawak ang sakop ng naturang pondo upang mas marami ang mga documented o undocumented na OFWs na matutulungan ang ATN fund.


Pinaigting din ni Cayetano ang Legal Assistance Fund (LAF) ng ahensiya upang mas maging mabilis ang tugon ng mga ahensiya ng gobyerno sa legal assistance na hinaharap ng mga OFWs!


◘◘◘


Ginawaran ni P-Duterte ang dating DFA secretary ng Order of Sikatuna na may ranggong Datu dahil sa pagtulong sa mga OFWs.


Ito ay ang pinakamataas na parangal na ginagawad ng pangulo ng Pilipinas sa kalihim ng DFA at diplomatic officials!


◘◘◘


Kinilala din ni P-Duterte ang pagsisikap ng DFA na protektahan ang kapakanan ng mga OFWs saanman sa mundo.


Mula sa mabagal na proseso ay bumilis ang takbo ng sistema sa pagtulong sa mga OFWs dahil sa pagpapalawak sa ATN Fund at LAF!


◘◘◘


Napaghandaan ang malawakang repatriation ng mga OFWs dahil sa COVID-19.


Ayon sa tala ng gobyerno, umaabot na sa 277, 320 ang napauwi sa Pilipinas dahil sa virus!


◘◘◘


Sa naturang bilang, 190,907 o 68.84% ang land-based samantalang 86,413 o 31.16% naman ang sea-based.


Tignan ninyo, kung hindi naisipan ng DFA ang bagay na ito ay napakalaki sanang delubyo ang tumama sa atin sa usapin ng OFWs!


◘◘◘


Marami sanang kuwento ng mga pagdurusa ang mababasa at maririnig natin tungkol sa mga OFWs na nawalan ng trabaho at hindi nakauwi sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.


Bukod sa ATN fund, nadagdagan din ang LAF na siyang sumalba sa buhay ng isa nating OFW na nagtrabaho sa Kuwait!


◘◘◘


Matatandaang ginahasa ang OFWs ng kanyang amo walong taon na ang nagdaan at kasama siya sa ika-20 repatriation chartered flight ng DFA mula sa kuwait nito lamang Dec. 1.


Sa tulong ng kanyang legal team naipanalo niya ang kanyang kaso at sa kanyang pag-uwi sa ‘Pinas, sinagot naman ng ATN fund ang kanyang pamasahe!


◘◘◘


Dinagdagan pa ng P820 milyon ang ATN fund sa Bayanihan to Recover As One act o Bayanihan 2 sa Kamara sa ilalim ng liderato ni Cayetano noong siya ay Speaker pa.


Kaya’t nagtuluy-tuloy pa ang repatriation program ng gobyerno at sinaklaw na rin ng pondo ang cremation, pagpapauwi sa bansa ng mga labi ng OFWs na nasawi sa COVID-19 at iba pang pangangailangan ng mga ito sa panahon ng pandemya!


◘◘◘


Ipagdasal nating patuloy na suportahan ng gobyerno ang OFWs na nagpapasok ng dollar remittances at nagsilbing salbabida sa panahon ng pandemya.


Batay sa record, imbes na bumaba, lalong lumalaki ang ipinapasok na dollar remittances ng 10 milyong overseas Pinoy sa Pilipinas sa panahon ng krisis!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page