top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Dokumentong dumaan sa proseso ng notaryo

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 11, 2024
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 11, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nais ko lang malaman kung maaaring managot ang isang notary public kung may mga maling impormasyon o hindi totoo sa dokumentong kanyang ninotaryohan. Nakatanggap ako ng notaryadong kasulatan, at bagama’t wala akong konkretong ebidensya, mayroon akong kutob na may mga kasinungalingan sa nilalaman nito.

– Ellen



Dear Ellen, 


Kapag dumaan ang isang dokumento sa proseso ng pagnotaryo, itinuturing na tunay at maayos na isinagawa ito. Subalit, kung mayroong magmumungkahi ukol sa mga nilalaman ng notaryadong dokumento, mahalaga na magkaroon ng malinaw at matibay ang ebidensya laban dito.


Ayon sa hatol ng Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Ick vs. Amazona (A.C. No. 12375, February 26, 2020), sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando, nililinaw na walang paglabag sa anumang batas tulad ng Rules of Court, Notarial Rules o Code of Professional Responsibility kung ang isang notary public ay nagpatotoo lamang na ang lumagda sa kasulatan ay personal na humarap sa kanya. Ang responsibilidad na tiyakin ang katotohanan ng nilalaman ng dokumento ay nasa lumagda sa kasulatan na personal na nanumpa na ito ay ay tama at pawang katotohanan lamang. 


Ang katotohanan o ang kamalian ng nilalaman ng kasulatan ay pananagutan ng lumagda sa kasulatan at hindi ng pampublikong siyang kaalaman hinggil dito. Dagdag ng Korte Suprema sa parehong kaso:


The complained act does not constitute any violation of the Rules of Court, the Notarial Rules, nor the Code of Professional Responsibility. Respondent merely performed his duty when he attested to the fact that Lotho personally appeared and signed the said letter before him.”


Kaya naman, hindi maaaring managot ang pampublikong notaryo kung sakaling may mali o kasinungalingan sa nilalaman ng dokumento na kanyang ninotaryo. Kailangan ng konkreto at matibay na ebidensya na ipinapakita na kusang-loob na ninotaryohan ng pampublikong notaryo ang kasulatan, kahit na alam niya na may mali o hindi totoo ang mga nilalaman nito, bago siya mapanagot para sa nasabing kamalian o kasinungalingan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page