Doktora, reyna sa Narciso Morales Trophy Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | December 20, 2021
Muling ipinakita ni Doktora ang kanyang husay sa karerahan matapos manalo sa 2021 PHILRACOM PRHTAI - Atty. Narciso Morales Trophy Race kahapon sa San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.
Ipinuwesto ni class A rider Mark Angelo Alvarez si Doktora sa largahan at pinanood nila ang nasa unahan na sina Magnolia Yan, Rodrigo at terserong Princess Mavee.
Papasok ng far turn ay nasa unahan pa rin ang matulin sa arangkadahan na si Magnolia Yana pero nasa segundo na si Princess Mavee habang lumalapit si Doktora.
Pagdating ng rektahan rumeremate na ang winning horse at sa huling 50 metro ng laban ay naagaw na nito ang unahan kay Magnolia Yana.
Inilista ni Doktora ang 1:30.6 minuto sa 1,400 meter race, nagwagi ng may kalahating kabayo ang agwat sa nasegundong Magnolia Yana, tersero si Nounpareil habang 4th si Amelia.
Kuminang si Super Ninja sa 8th Emi Calixto-Rubano Cup noong Sabado ng hapon na pinakawalan sa Metro Manila Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Ginabayan ni Pabs cabalejo, nirehistro ni Super Ninja ang 1:37 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang premyong P210,000 sa event ng PHILRACOM.
Sa far turn pansin na ng mga karerista na mananalo si Super Ninja dahil halos walang makadikit sa kanya, nakalamang ito ng anim na kabayo. Papasok ng hometurn ay nasa unahan pa rin si Super Ninja kabang nagbabalik na makakapit si Candaba ngunit nanatili ang tikas ng winning horse.
Pumangalawa si Candaba na sinakyan ni Rodeo Fernandez habang 3rd at 4th sina Candid Moment at Runawayfromrosemenot.





Comments