DOH: Pakikipagkamay at pagyakap ng mga pulitiko at gov’t officials sa mga biktima ng kalamidad...

Bawal!!!
ni Ryan Sison - @Boses | November 24, 2020
Itigil muna ang pakikipagkamay at yakapan.
Ito ang paalala ng Department of Health (DOH) sa mga pulitiko dahil nangyayari pa rin ito sa kabila ng physical distancing protocols na umiiral dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang paalala ng ahensiya ay kasunod ng pagkalat ng ilang litrato ni Vice-President Leni Robredo na humahawak ng senior citizens at mga bata habang bumibisita sa mga nasalanta ng bagyo.
Tulad ng inaasahan, hindi ito ikinatuwa ng publiko at umani pa ito ng kritisismo dahil mataas ang panganib ng mga taong nasa edad 60 pataas sa malulubhang komplikasyon ng COVID-19.
Dagdag pa ng ahensiya, may iba pang paraan para magpakita ng taos-pusong pasasalamat, kaya dapat pa ring sumunod sa minimum public health standards.
Bagama’t nagpla-“plateau” na ang COVID-19 infections sa Pilipinas nitong mga nagdaang araw, ipinaaalala rin na dapat mapanatili ang tamang physical distance dahil isa ito sa mga paraan para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Gayunman, bagama’t nasasabik ang mga kababayan at nais magpasalamat sa mga dumarating na tulong, dapat pa ring maunawaan ng publiko at mga lider na kailangang umiwas sa physical contact.
Nasa paligid pa rin ang virus, kaya plis lang, bilang lider, tayo ang dapat manguna sa pagsunod sa ipinatutupad na health protocols.
Tayo namang publiko, ‘pag alam nating may mali, kunin natin ang atensiyon at ipaalala ang health protocols. Hindi ‘yung alam na nating mali, tapos gagayahin pa dahil “lider” naman ang unang gumawa.
‘Ika nga, hindi natin alam kung sino ang puwedeng tamaan ng virus, kaya wala dapat exemption pagdating sa health protocols.
Lider man o ordinaryong mamamayan, dapat sumunod sa mga umiiral na pag-iingat sa lahat ng oras.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments