top of page

Divorce o annulment, alin ang mas dapat?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 31, 2024
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 31, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hindinatin nais na lumaganap ang diborsyo ngunit ating sinusuportahan ang pagpasa ng batas na ito na tanging Pilipinas na lamang sa lahat ng bansa sa buong mundo (maliban sa Vatican) ang nagbibinbin.


Dumiretso na kaagad tayo sa Banal na Kasulatan sa Bagong Tipan, kung saan ipinunto ni Hesus, “Ngunit sinasabi ko sa inyo na sinumang makipagdiborsyo sa kanyang asawang babae, malibang dahilan sa pangangalunya niya, ay nagbubulid sa kanyang mangalunya, at sinumang makipag-isang dibdib sa isang diborsyada ay nagkakasala ng pangangalunya.” (Mateo 5:32; 19:9)


Kung iyan mismo ang pagbabatayan, may isang exception o bukod-tanging sitwasyon na kahit si Hesus ay kailangang bigyan ng puwang ang diborsyo. Iyan ay ang “marital unfaithfulness” na pagsasalin ng salitang Griyegong “porneia” (kung saan hinango ang salitang “pornography”) na nangangahulugan ng “sexual perversion” na kinabibilangan ng pangangalunya (adultery), fornication, incest at prostitusyon.


Kaya kung nakipagdiborsyo ang isang lalaki sa kanyang asawa dahil sa pangangaliwa nito, ang kanyang muling pag-aasawa ay hindi na katumbas pa ng pangangalunya. 


Samantala, hindi isang utos ang taludtod o verse na ito na makipagdiborsyo o magpakasal na muli. Hindi sinasabi ni Hesus dito na kung nangaliwa ang asawa ay kailangan itong diborsyuhin at makapagpakasal muli. Kundi nagbibigay lamang siya ng puwang batay sa partikular na kalagayan at kakayanan ng bawat nilalang na pinagtaksilan na ayusin ang kanyang sitwasyon ayon sa lalim ng kanyang pananalig sa Dios. 


Kaya kung si Hesus na mismo sa Bagong Tipan ang nagbigay ng espasyo para sa diborsyo, bakit ba higit pang moralista ang ilan sa mga nasa Senado na hindi mabuksan ang kaisipan sa abang kalagayan ng mga paulit-ulit nang pinagtataksilan at gusto nang takasan ng bait? 


Oo nga’t may annulment, ngunit ito ay para sa mga sitwasyon bago pa ang buhay may-asawa, para lamang sa mga maykaya, at adversarial pa bukod sa nakaka-depress na prosesong kadalasang lalong nagpapalugmok sa mental at sikolohikal na kalagayan ng mga daraan dito.


Isa pa, aba’y marami ring lalaking hindi makuntento sa kanilang pinakasalan at panay ang pambababae ang matatakot kapag naipasa ang diborsyo. Ika nga, “You cannot have your cake and eat it, too.” Dahil kapag napuno na ang mga asawang babae, magigising na lamang ang mga lalaking ito na isang araw na dinidiborsyo na sila ng kanilang asawang sukdulan na ang ginawang pagtitiis. 


Gayundin, hindi na basta makakapambola ang mga may-asawa sa pinopormahan o pinasasakay na babae at sasabihing mahal sila at pakakasalan kalaunan. Dahil buko agad sila sa kanilang pagsisinungaling o kakayanang patunayan ang lalim ng kanilang nararamdaman sa gitna ng diborsyo na maaaring hingin sa kanila bilang pagpapatunay. 


Maging gising at makaramdam sana ang ating mga senador sa realidad ng buhay. Na maipasa na ang diborsyo na hinimay nang husto, upang magawaran ng sukat na sukat na kalayaan ang ating mga kababayan na magdesisyon para sa kani-kanilang sitwasyon na higit nilang nalalaman at nararanasan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page