Ditas Gutierrez, kaibigan at tapat na anak ng Simbahang Katoliko
- BULGAR
- May 27, 2024
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 27, 2024

Masayang nagsimula ang gabi ng nakaraang Biyernes.
Dumalo ang apat na kaeskwela ko sa kolehiyo noong kami ay mga seminarista pa sa Seminaryo ng San Jose mula 1972 hanggang 1976. Tawag namin sa aming sarili ay San Jose Seminary batch 72 o SJS 72.
Hindi nagpari ang lahat ng aming batch. Kung hindi ako nagkakamali, tatlo lang ang naging pari sa amin, sina Msgr. Andres Valera ng Bulacan; Fr. Gang Abano na naging migranteng paring Pinoy sa Estados Unidos at ako. Hindi nakarating ang dalawang kaeskwela naming pari. Ako ang isang paring nakarating sa aming “reunion.”
Apat kong kaeskwelang mayaman at marubdob ang mga kuwentong buhay ang dumating. Sa gitna ng tawanan at kantiyawan bandang ika-8 ng gabi, tumunog ang aking cellphone. “Father, wala na si Mam Ditas. Binaril siya sa bandang Kamias. Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center. Punta po kayo dito. Lagi niyang sinasabing sana ma-bless siya ng pari bago siya mamatay o kung siya ay biglang mamatay,” ito ang mensaheng pinarating sa akin ng isang malapit na staff ni Mercedita Eusebio Gutierrez, chief licensing director ng Land Transportation Office (LTO) sa Malakas St., Barangay Pinyahan.
Hindi na ako nagdalawang isip at tumawag ako ng Grab na dumating agad. Pagkaraan ng walang 30 minutong biyahe, dumating ako sakay ng Grab sa East Avenue Medical Center. Dumiretso ako sa ER at doon sa gitna ng mga buhay na pasyenteng itinakbo sa emergency room, makikita ang itim na “body bag” na taglay ang bangkay ni Ditas.
Naroroon ang bunsong anak ni Ditas na nilapitan ko at tinanong kung puwede kong basbasan ang kanyang ina. Pumayag ang kanyang bunsong anak.
Pinakiusapan nito ang isang pulis na nagbabantay kung puwedeng buksan ang body bag upang mabasbasan ko ang kanyang ina. Pumayag ang pulis at kitang-kita ko ang mukha ng masaya, mabait, bukas-loob na hepe ng Licensing Division ng LTO main office.
Hinawakan ko ang kaliwang pisngi ni Ditas. Mainit pa ito nang nagsimula akong magdasal at ibulong sa kanya ang panalangin ng pagpapatawad sa kasalan. Bagama’t patay na si Ditas, tinuruan kaming mga pari ng prinsipyo na basbasan ang bagong kamamatay pa lang. Ibulong ang panalangin sa tainga dahil makaririnig pa ito kung kamamatay pa lamang sanhi ng sakit o naaksidente. Binasbasan ko si Ditas sa gitna ng mga hagulgol at sari-saring ingay ng ER ng nasabing ospital.
Napakasakit din para sa akin na kaibigan, at bilang dating paring nagmimisa sa LTO-main sa Malakas Street ang nangyari. Buhay na buhay pa rin sa akin ang masaya at mainit na tinig ng tapat na anak ng Simbahang Katoliko na tinitiyak na laging merong misa sa LTO tuwing unang Miyerkules at unang Biyernes ng bawat buwan.
Nang matapos kong basbasan at dasalan si Ditas, dinala na ito sa morgue ng staff ng EAMC. Sumunod kami ng bunsong anak at mga kasama sa opisina ni Ditas. Malungkot at mabigat ang bawat yabag ng aming mga paa.
Nang makarating na kami sa morgue, pinaghintay na kami ng mga naroroon sa labas.
At doon ko narinig ang bahagi ng kuwento ng mga pangyayari ng gabing iyon.
“Mag-iika-7 lang ng gabi noong nakaraang Biyernes nang nilapitan si Ditas ng isang nakamotorsiklo at biglang pinaputukan ng dalawang beses. Pumasok ang unang bala sa pagitan ng kanyang dalawang mata, sa ilalim ng kanang kilay. Ang balang iyon ang kagyat na bumawi sa buhay ng walang kalaban-labang babae. Marahil sa LTO main office pa lamang ay sinundan na ng mamamatay na nakamotrosiklo si Ditas. Malinaw na nakaplano ang pagpatay kay mam. Walang kinuhang anumang gamit, bag, cellphone o pera. Hindi “theft with murder” ang naganap. Napakabait ni Mam Ditas, anuman ang naging problema kanino man ay hindi katanggap-tanggap ang ganitong katapusan sa buhay ng mabuti at masipag na opisyal ng LTO,” saad ng isang tagaroon.
Nang magpaalam ako sa bunsong anak at sa ilang mga malapit kay Ditas na naroroon, narinig ko naman ang malakas na hagulgol. “Yan po ang panganay na anak ni Ditas,” sabi ng katabi kong staff niya. Lumapit ako sa humahagulgol na babae at tahimik na hinawakan ang balikat nito. Walang salita ang maaaring magpatahan sa anak na nawalan ng ina, lalo na sa ganitong paraan. Tahimik na lang akong nanalangin at tuluyan na ring nagpaalam upang bumalik sa mga iniwanan kong mga kaeskwela.
Buhay pa kaming lahat, kahit na may mga karamdaman na magkakahawig at magkakaiba. Halos lahat ay umabot na sa edad na 69. Hindi man kami mga bata na ngunit meron pa ring sapat na lakas na magtrabaho at maglingkod.
Tinanong ako ng aking mga kaeskwela kung ano ang nangyari. Nagkuwento ako ng kaunti at tiningnan ang mga ito at nagbahagi, “Buhay pa tayo dahil kalooban ng Diyos.
Hindi natin alam kung paano Niya tayo kukunin. Malinaw na nagsimula na, nagpapatuloy ngunit hindi natin alam kung kelan, saan at paano matatapos ang napakaganda at napakaikling buhay na ito. Salamat mga kaeskwela at naririto pa kayo, tayo, upang sama-samang magpasalamat sa biyaya ng buhay at pakinggan ang mga kuwento tungkol sa kanya-kanyang pagsisikap na mabuhay nang masaya, mabunga at malapit sa maliliit, at sa Panginoong Diyos, Amen.”
Comments