Distribusyon ng mga ambulansya, ‘wag haluan ng pamumulitika
- BULGAR
- Sep 11, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 11, 2024

Hindi dapat haluan ng pamumulitika ang pamamahagi ng mga ambulansya sa buong bansa.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga local official ng gobyerno.
Bilang isang dating gobernador ng Ilocos Norte, sinabi ng Pangulo na pamilyar siya sa diumano’y inuuna ng ilang opisyal ang kanilang mga kaalyado sa pagdi-distribute ng mga equipment o kagamitan sa mga munisipalidad.
Sa ginanap na distribusyon ng mga ambulansya sa 129 local government units (LGUs), binigyang-diin ni PBBM na kapag pinag-uusapan ang tungkol sa ambulansya naiuugnay ito sa healthcare system ng bansa at buhay ng tao ang nakataya, kaya huwag itong haluan ng pulitika. Hindi aniya, dapat pinupulitika ang ating healthcare system.
Pahayag ng Pangulo, kailangang palitan ang ganyang kaisipan na hindi lang kung sino ang mga magkakampi at mga magkakaalyado. Kalimutan na ito at asikasuhin muna ang taumbayan.
Sinabi rin ng Punong Ehekutibo na ito ang isang tunay na serbisyo sa mga mamamayan, tinatanggal ang tinatawag na political color, habang inaalis mula sa lahat ng mga puwersang pampulitika, na sa kasamaang-palad aniya ay alam ng lahat kung paano ito isinasagawa noon.
Nasa 87 munisipalidad sa Calabarzon, 25 sa Bicol, 8 sa Central Luzon, 6 sa Cordillera at 3 sa Cagayan ang nakatanggap ng tig-isang ambulansya na tinatayang P2.1 milyon ang halaga kada unit.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang bawat ambulansya ay nilagyan ng mahahalagang kagamitang medikal o medical tools gaya ng stretcher, oxygen tank, blood pressure monitor, at wheelchair.
Inaasahan naman ng administrasyon na makapag-distribute sila ng hindi bababa sa 2 ambulansya para sa bawat munisipalidad.
Binanggit din ng Pangulo na may malaking pagbabago rito dahil hindi na pupunta ang taumbayan sa (PCSO) Philippines Charity Sweepstakes Office o sa gobernador ng lugar o kahit kanino, kung saan aniya, hihintayin na lamang ito at may ambulansyang darating sa kanila.
Ang PCSO kasi ang nagpopondo sa pagbili ng mga naturang medical vehicle.
May katotohanan naman talaga na marami sa mga opisyal ng gobyerno ang madalas na ginagawa ang pagtulong at pagsisilbi sa nasasakupan pero hinahaluan nila ng pamumulitika.
Marahil, hindi lang ito nangyayari ating healthcare system kundi sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Ang masaklap dito, gaano man karaming ospital at health center ang itayo, at gaano man karaming mga health professional ang magserbisyo para sa mga mamamayan, o gaano man karaming medical equipment mayroon tayo ay mawawalan ng silbi, kung hindi naman maaabot ang mga pasyente sa mga sandali ng kanilang pangangailangan.
Kumbaga, wala o kulang ang ambulansya sa bawat bayan, lungsod at munisipalidad na dapat sana ay magdala sa mga agaw-buhay na pasyente.
Kaya sana ay masolusyunan na rin ito ng kinauukulan na makapagbigay ng maraming ambulansya sa mga lugar sa lalong madaling panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Yorumlar