Distribusyon ng honoraria ng mga guro, start na, may dagdag pa
- BULGAR
- 15 hours ago
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 20, 2025

Sa katatapos na halalan, malaki ang naging ambag ng mga guro para sa mas tiyak at maayos na botohan. At dahil sa katapatan at sakripisyong ginawa ng ating mga guro para sa bayan, hindi ba’t mas makakabuting itaas ang kanilang kompensasyon sa tuwing sila ay magsisilbi sa halalan?
Sa bawat eleksyon, ang mga guro ang isa sa pinakasandigan ng ating demokrasya. Sila ang nagsasakripisyo ng oras, pagod, at minsan ay kanilang kaligtasan, upang matiyak na maayos, tapat, at mapayapa ang botohan.
Kamakailan, inumpisahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pamamahagi ng honoraria sa mga guro na nagsilbing poll workers noong 2025 National at Local Elections.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, target ng ahensya na matapos ang pagbabayad sa kanila sa loob ng 15 araw sa ilalim ng Election Service Reform Act (ESRA).
Sa Region 3, 100% nang nabayaran ang mga guro, habang sa Region 5 ay nasa 95% na. Isa itong hakbang patungo sa mas epektibo at makataong proseso ng pagkilala sa kanilang serbisyo. Dagdag pa ng Comelec, ang mga miyembro ng Election Registration Board (ERB) ay makakatanggap ng karagdagang P2,000, ang chairpersons naman ay tatanggap ng P12,000 at ang mga miyembro nito ay makakakuha ng P10,000.
Bukod pa riyan, inaprubahan din ng Office of the President ang dagdag na P1,000 honoraria para sa mga miyembro ng Electoral Board na nagsilbi nitong Mayo 12 -- tax-free at agad na inendorso ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at gastusin sa buhay, ang isang libo ay maaaring maliit sa mata ng iilan, pero para sa mga guro, ito ay malaking bagay hindi lamang sa aspetong pinansyal kundi bilang simbolo ng pagkilala. Kumbaga, kahit paano ay nagagawa nating tumbasan ang kanilang hirap.
Marahil, marapat na pag-isipan ng pamahalaan kung paanong mas mapapalakas pa ang suporta sa mga gurong nagsisilbing haligi ng ating halalan. Maliban sa honoraria, dapat ding tugunan ang kanilang kaligtasan, benepisyo, at maayos na working conditions tuwing eleksyon.
Kung tutuusin ay hindi sapat ang “salamat”, kailangan itong sabayan ng konkretong aksyon. Kung tunay na mahalaga ang papel ng mga guro sa demokratikong proseso, dapat ay higit pa sa thank you ang kanilang matatanggap.
Kailangan sigurong itaas pa ang antas ng pagkilala sa kanilang sakripisyo, dahil sa bawat boto na maayos nilang nabibilang, natatanaw naman ang magandang kinabukasan ng ating bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários