Diskarte ng LGUs sa pamamahagi ng ayuda, dapat malinaw sa publiko
ni Ryan Sison - @Boses | April 18, 2021
Imbes na matuwa, dismayado ang maraming benepisaryo ng ECQ ayuda sa San Jose Del Monte City, Bulacan dahil kulang umano ang kanilang natanggap na ayuda.
Kasabay nito ang reklamo hinggil sa pinapirmahang waiver na wala silang reklamo sa natanggap na halaga ng ayuda.
Giit ng mga benepisaryong nakakuha lamang ng P1,000, nagdulot ng pangamba ang pagpapapirma ng waiver dahil sa pagkakaalam nila, hanggang P4,000 ang puwedeng matanggap, ngunit baka dahil sa pagpirma ay hindi na makuha ang natitirang P3,000.
Sa kabilang banda, agad na dumepensa ang lokal na pamahalaan at sinabing gagamitin ang waiver sa liquidation ng pondo sa gagawing pag-audit ng Commission on Audit.
Gayundin, ito ay patunay umanong nauunawaan ng mga tao na ang pagtanggap ng ayuda ay naaayon sa Joint Memorandum Circular na ipinalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of National Defense (DND).
Base sa JMC, nasa kapangyarihan ng local government unit (LGU) kung paano ipamamahagi ang ayuda sa kanilang mga kababayan.
Matatandaang nasa P1, 000 hanggang P4, 000 ang maaaring makuha ng benepisaryo na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad noong unang linggo ng Abril sa NCR Plus Bubble.
Samantala, iimbestigahan na ng DILG kung may naging paglabag ang naturang lokal na pamahalaan.
Kung may kalayaan ang LGUs kung paano maipamamahagi ang ayuda, dapat alam ng taumbayan ang magiging takbo ng pamimigay nito.
Hindi kasi puwedeng bigay lang tayo nang bigay ng dapat gawin, habang litung-lito ang mamamayan. Kumbaga, mahalagang maipaliwanag sa taumbayan kung para saan at ano ang kahalagahan ng hakbang na ito.
Sa ganitong paraan kasi, maiiwasan ang agam-agam at hindi mauuwi sa reklamo ang mga kaganapan.
Gayunman, pakiusap sa mga kinauukulan, imbestigahang mabuti ang isyung ito at kapag napatunayang paglabag, panagutin ang dapat managot.
Isa pa, karapatan ng taumbayan na makatanggap ng maayos at mapayapang serbisyo-publiko sa gitna ng ating laban kontra pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments