top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Disiplina at pagkukusa, mas kailangan kesa hard GCQ

BULGAR
Mar 21, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 21, 2021


Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa, iba’t ibang hakbang na ang ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan para mabawasan ang hawaan.


Unang nagpatupad ng granular lockdown sa ilang barangay sa mga piling lugar sa Metro Manila, at sumunod ang unified curfew sa lungsod, na tatagal hanggang Marso 31, 2021.


Kaugnay nito, isinusulong ng OCTA Research Team na magpatupad ng “Hard GCQ” o mas mahigpit na general community quarantine upang mabawasan ang hawaan ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).


Paliwanag ng mga eksperto, dapat bawasan ang maraming galaw sa NCR para maibaba ang bilang ng COVID-19 cases, kung saan kabilang sa mga nais limitahan ng grupo ay ang dine-in sa mga restoran at gawing take-out muna ang transaksiyon. Gayundin, nais bigyan ng quarantine pass ang mga manggagawa sa pagpasok sa kanilang mga trabaho, ipagbawal ang mga social gathering at panatilihin ang mass transport.


Gayunman, kung sakaling hindi pa rin maibababa ang tinatamaan ng virus sa loob ng isa hanggang dalawang linggo, kailangan umanong itaas sa Soft MECQ o modified community quarantine ang Metro Manila. Sa soft MECQ, nais ipagbawal ang social gathering, limitadong kapasidad ng mga mall at grocery, limitadong workforce sa mga tanggapan ng gobyerno, ngunit papayagan pa rin ang mass transportation.


Nakababahala na ang bilang ng naitatalang COVID-19 cases sa mga nakalipas na araw, kaya hindi na talaga sapat na paulit-ulit na lang magpaalala sa taumbayan. Kumbaga, dapat nang samahan ng pagkilos.


Bagama’t suhestiyon pa lamang ito ng mga eksperto, utang na loob, pag-aralang mabuti kung kakayanin talagang ipatupad.


Ang hirap sa atin, masyado na tayong nakampante dahil sa bakuna. Kaya sa halip na magdoble-ingat, dedma na lang sa mga umiiral na health protocols.


Isa pa ang mga pasaway na opisyal ng gobyerno at kapulisan. Imbes na manguna sa pagsunod sa minimum health standards, sila pa ang nangunguna sa paglabag.


Samantala, tulad paulit-ulit na paalala at pakiusap sa taumbayan, tutal ay alam naman na natin kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin, ‘wag na tayong maghintay pa ng utos o paninita.

Tulad ng tamang pagsusuot ng facemask at face shield, tamang social distancing at madalas na disinfection.


Kung tutuusin, maliit na bagay ang mga ito, ngunit malaking tulong kung gagawin natin sa lahat ng oras.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page