top of page

Discount sa gamot ng seniors, oks kahit walang booklet

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 6
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 6, 2025



Boses by Ryan Sison


Matagal nang reklamo ng mga nakatatanda ang paulit-ulit na abala tuwing bibili sila ng mga gamot, na parang mas mahaba pa ang pila dahil sa hinihinging ‘papel’ kaysa sa mismong pagbabayad.


Pero sa bagong kautusan ng Food and Drug Administration (FDA), tapos na ang purchase booklet na naging pabigat din sa mga lolo’t lola nang mahabang panahon. 

Sa inilabas na Circular No. 2025-005, inanunsyo ng FDA na sapat na ang valid ID para makuha ng mga senior citizen ang kanilang 20% discount at VAT exemption sa pagbili ng gamot at medical devices. 


Batay ito sa Department of Health (DOH) Administrative Order No. 2024-0017 na layong alisin ang labis na pasanin ng mga senior citizen at gawing mas madali ang proseso. 

Isang malaking ginhawa ito para sa mga matatanda dahil lahat ng FDA-licensed establishments, mula sa drugstores, community at institutional pharmacies, optical clinics, hanggang sa mga tindahan ng medical devices ay saklaw ng bagong patakaran. 


Walang puwang ang mga violator dahil malinaw ang parusa sa ilalim ng Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act, kung saan ang mga lalabag ay pagmumultahin ng mula P50,000 hanggang P200,000, at dalawa hanggang anim na taon na pagkakakulong, depende sa dami ng paglabag. 


Para makuha nina lolo’t lola ang kanilang diskwento, sapat nang magpakita ng senior citizen ID mula sa OSCA, o kahit anong government-issued ID gaya ng driver’s license, passport, voter’s ID, SSS/GSIS ID, PRC o postal ID. Paalala naman ng FDA, tanging aprubadong gamot at medical devices lamang ang saklaw ng benepisyo. 


Kung tutuusin, matagal na dapat ipinatupad ang naturang sistema, gayunman, mainam pa rin na ginawa na ito sa ngayon. 


Ang pagtanda ay hindi madali, at bahagi ng responsibilidad ng lipunan ang gawing mas magaan ang buhay ng ating mga senior citizen. Kaya sa pagbili ng mga gamot at iba pang medical devices, dapat nararanasan na nila ang kaginhawahan. 


Ang bawat simpleng regulasyong gaya nito ay may malaking epekto sa kalusugan at dignidad ng mga nakatatanda. Hindi lang ito simpleng polisiya, kundi simbolo ng respeto natin sa kanila. 


Kapag ipinakita ng gobyerno na ang mga senior citizens ay hindi na kailangang pumila pa at maabala dahil sa required na booklet, ipinaparamdam nitong sila’y mahalaga at binibigyang karapatang mabuhay nang maginhawa. 


Ang lipunan na marunong umalala at gumalang sa kanyang mga nakatatanda ay maituturing na lipunan na tunay na may malasakit. Magsilbi sana itong simula ng mas marami pang reporma para sa ikabubuti ng ating mga lolo’t lola.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page