DIREK PAUL, P1.5 BILYON PLUS ANG BUDGET SA MOVIE NI VANESSA HUDGENS
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | April 24, 2023

Shocked galore kami sa narinig naming balita na $30 million daw (yes, at hindi peso, ha?) ang kailangang budget para sa pelikula ni Vanessa Hudgens na balak i-produce at idirek ni Paul Soriano, ang controversial na mister ni Toni Gonzaga.
Ang storyline ng movie project ay tungkol sa isang tourist guide na makakatagpo ng pag-ibig sa sa Pilipinas.
Sa magagandang tourist destinations daw tulad ng Palawan, Boracay, Siargao, Cebu, Bohol at iba pa planong i-shoot ang mga eksena ng pelikulang gagawin ni Vanessa.
Kaya pinili ang mga nasabing sikat na tourist spots ay para na rin patuloy na mai-promote ang turismo sa Pilipinas at para mas marami pa ang maengganyong turista na bumisita rito.
Balita ngang naghahanap na ng mga magiging co-producers at investors si Direk Paul para sa plano nitong movie project ni Vanessa. Hindi nga naman biro ang $30 million na katumbas ng mahigit P1.5 bilyon dito sa atin.
Pero mukhang nakahandang gawin ng direktor ang lahat upang maisakaturapan lang ang dream movie project ng Fil-Am actress.
Well, sa dami ng kilala ni Direk Paul na malalaking negosyante, tiyak na hindi siya mahihirapang makakuha ng mga bigating sponsors.
Sigurado rin namang tutulong ang Department of Tourism (DOT) dahil malaking promo ito para sa mga tourism projects ng 'Pinas.
Pero ang tanong lang, mabawi kaya ni Direk Paul ang ipupuhunan niya sa movie gayung mahina pa rin ang hatak ng mga sinehan ngayon?





Comments