Movie niya, katarantaduhan daw… DARRYL KAY JOEL: 'DI SIYA DAPAT NABABAHALA SA ISANG DARRYL YAP LANG
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | July 24, 2022

May sagot na si Direk Darryl Yap sa mga naging pahayag ng premyadong direktor na si Joel Lamangan against his film, Maid in Malacañang.
Si Direk Darryl ang nagdirehe ng Maid in Malacañang na ipapalabas na sa Aug. 3. Isasabuhay ng pelikula ang last 72 hours ng Marcos family sa Malacañang during the EDSA Revolution in 1986.
Sa event called “Never Again, Never Forget,” a campaign against the return of the Marcoses and Martial Law last Thursday ay dumalo si Direk Joel Lamangan at dito ay nagpahayag siya ng pag-alma sa pelikulang Maid in Malacañang.
Para kay Direk Joel ay isang pagtatakip lang daw ang pelikula para kaawaan ang pamilya Marcos.
Nagbanta rin ang direktor na gagawa rin siya ng pelikula bilang pantapat sa Maid in Malacañang.
Sa Facebook page ng VinCentiments nina Direk Darryl and cinematographer Vincent Asis ay naglabas ng reaksiyon ang direktor ng Maid in Malacañang.
Ayon kay Direk Darryl ay inirerespeto niya si Direk Joel at ayaw niyang makipag-away sa isang haligi ng industriya.
“Malaki ang respeto ko kay Direk Joel. Maaaring magkaiba kami ng perspektibo tungkol sa mga bagay-bagay, pero nasa iisang industriya kami.
“Kung gagantihan ko rin ng pagmamataas ang mga sinabi niya, magmumukhang nakikipag-away ako sa isa sa mga haligi ng industriya,” simula ng direktor.
Pero mabuti raw na paalalahanan din si Direk Joel na hindi lang ito ang anak ng Diyos.
“Pero mainam din na paalalahanan siya na hindi lang siya ang anak ng Diyos at ng bayan, hindi lang siya ang may kuwento at hindi lang ang mga kuwento niya ang may kuwenta,” saad niya.
Itinanggi rin niya ang sinabi ni Direk Joel na pera ng taumbayan ang ginamit sa pelikula.
“Sinabi pa niya na ang ginamit sa pagpo-produce ng pelikula ay pera ng taumbayan. VIVA ang nag-produce nito — kung saan du'n din siya gumawa at patuloy na gumagawa ng pelikula,” paglilinaw ni Direk Darryl.
“Kung tunay nga ang kanyang kombulsiyon at paghihimagsik; bilang isa sa mga mataas na direktor, yayain niya ang mga nagsasabing “katarantaduhan” ang pelikula ko at 'wag silang magtrabaho sa Viva — kasi baka pera ng taumbayan 'yan, nakakahiya naman sa mga prinsipyo nila. 'Yan, eh, kung talagang 'yan ang ipinaglalaban at paninindigan niya 'yung mga sinabi niya kanina.
“Ngunit magkaganu'n man, hindi siya makakarinig sa akin ng pangmamaliit, dahil sino ba ako kumpara sa kanya?
“Sana, maalala niya na Joel Lamangan na siya, hindi siya dapat nababahala sa isang Darryl Yap lang,” ang pahayag at mensahe pa ni Yap kay Lamangan.





Comments