Dinwiddie ng Wizards at Bulls Derozan, mga palaban
- BULGAR
- Nov 17, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 17, 2021

Humabol ang Washington Wizards sa 4th quarter upang mabigo ang bisitang New Orleans Pelicans, 105-100, sa pagbabalik ng NBA kahapon sa Capital One Arena.
Bumuhos ng 14 sunod-sunod na puntos ang Wizards upang maagaw ang lamang at lumayo, 101-92, at kumapit sa huling minuto upang manatiling mag-isa sa taas ng Eastern Conference na may 10-3 panalo-talo.
Nanguna sa Washington si Spencer Dinwiddie na may 27 puntos at sinundan ni Kentavious Caldwell-Pope na ipinasok ang 10 ng kanyang 18 puntos sa 4th quarter.
Hindi naglaro si Bradley Beal sa pangalawang sunod dahil nagluluksa sa pagpanaw ng lola at nagawan ng paraan ng mga kakampi na mabawi ang nawalang 23 puntos ni Beal bawat laban.
Ginunita ni Alex Caruso ang pagbalik sa Staples Center at wagi ang bagong koponang Chicago Bulls laban sa dating koponan Los Angeles Lakers, 121-103. Hindi pumuntos si Caruso sa 34 minutong salang subalit hindi napigil ng Lakers ang matalas na shooting ni DeMar DeRozan na may 38 puntos at isa pang dating Laker na si Lonzo Ball na may 27..
Isa pang pagkabigo ang nalasap ni Fil-Am rookie Jalen Green at Houston Rockets at tinambakan sila ng Memphis Grizzlies, 136-102. Patuloy ang pagpapasikat ni 2020 Rookie of the Year Ja Morant na may 22 puntos.Nanguna si Green sa Rockets na may 15 puntos. Suliranin sa Houston ang patuloy na hindi paglaro ni All-Star John Wall at hinahanapan pa rin ng malilipatan na koponan.
Isinalba ng mga free throw nina Devin Booker at Jae Crowder sa huling 16 segundo ang Phoenix Suns sa palaban na Minnesota Timberwolves, 99-96, at lumapit sa Golden State Warriors para sa liderato ng Western Conference. Nagtapos si Booker na may 29 puntos.
Nilaktawan ng Dallas Mavericks ang Denver Nuggets sa West matapos magtagumpay, 111-103.





Comments