DILG, dapat paghanda ang mga barangay sa third wave sa atake ng delta variant
ni Ka Ambo - @Bistado | July 21, 2021
Dapat ihanda ng DILG ang lahat ng barangay sa seryosong krisis.
Ito ay ang ibayong pagdarahop!
◘◘◘
ANG third wave ay hindi maiiwasan.
Petsa lang ang hinihintay sa atake ng Delta variant!
◘◘◘
ANG COVID ay siyang magbubunsod ng mas matinding krisis sa ekonomiya.
Sa unang bugso noong 2020 at ngayon ay 2021 — nasimot na ang resources ng ordinaryong pamilya!
◘◘◘
KUNG napaluhod ang ekonomiya at ordinaryong pamilya ng first at second wave sa Delta variant, marami ang gagapang, malulumpo at mamamaalam sa ibabaw ng lupa.
Hindi pneumonia o kidney failure ang ikamamatay ng maraming tao, bagkus ay cardiac arrest!
◘◘◘
BUKOD sa panghihina ng immune system, ang araw-araw na palpitation at nerbiyos ay magpapahina ng “puso” na dahilan ng cardiac arrest.
Pinalalala ito ng kawalan ng ehersisyo o pagkakataong maglibut-libot sa paligid bukod pa ang kawalan ng masustansiyang pagkain at maayos na tulog!
◘◘◘
BIGO ang gobyerno na saklolohan ang higit sa 110 milyong Pinoy.
Hindi dapat sandalan ang gobyerno sa panahon ng krisis kasi’y normal at natural sa pamahalaan na maging pugad ng mga korup at mandarambong!
◘◘◘
WALANG maasahan ang taumbayan sa gobyerno sapagkat “pagnanakaw” at kahinaan ng diskarte ang umiiral sa buong bansa.
Walang matinong opisyal ng pamahalaan na may kakayahang magdesisyon nang tumpak o magbibigay ng solusyon sa krisis na “wala sa diksiyunaryo”!
◘◘◘
ANG nararanasan ng Pilipinas at buong daigdig ay orihinal at walang kaparis.
Orihinal ang sitwasyon na maitatala sa kasaysayan!
◘◘◘
ANG solusyon sa pambihirang krisis o walang katulad, dapat pambihira rin.
Hindi puwedeng nangongopya lang ng solusyon mula sa lipas nang aklat o edukasyon sa ekonomiya.
Orihinal, inobasyon at imbensiyon lamang ang puwedeng magsalba sa atin sa isang hindi matatawarang krisis na ating nararanasan!
◘◘◘
HUWAG tayong umasa sa ipinapangako o ikinukuwentong recovery, bagkus paghandaan natin ang krisis na ngayon lang mararanasan ng henerasyon ng mga tao.
Mahina ang kukote ng mga eksperto, dahil kung tunay silang eksperto — dapat tapos na ang pananalasa ng COVID-19!
◘◘◘
ANG paglutang ng Delta variant ay senyales na hindi sapat ang talino ng mga eksperto.
Walang bansa na makakatalo rito.
Ang pag-iingat ay nakasandal sa indibidwal.
Kani-kanyang ingat, kani-kanyang responsableng pagkilos!





Comments