top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Dikit-dikit at overload na mga pasahero ng PUVs, anyare?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 18, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 18, 2020


Habang tuloy ang paghihigpit sa mga health protocols ngayong holiday season kontra COVID-19, bantay-sarado na rin ang mga public utility vehicles (PUV) at terminal.


Kamakailan, nagsimulang mag-inspeksiyon at maniket ang Philippine National Police - Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga pampublikong sasakyan at terminal para matiyak na nasusunod ang health protocols.


Pero tulad ng inaasahan, hindi lahat ay nakasususnod tulad na lang ng isang jeep na paalis na, pero naispatan ng mga awtoridad na tinipid ang plastic barrier at dikit-dikit ang mga pasahero.


Hindi pinalagpas ang paglabag, kaya pinababa ang kalahati ng mga pasahero saka inisyuhan ng PNP-HPG at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng warning ang ang tsuper, kaya nakabiyahe pa rin ang jeep.


Gayunman, isang taxi driver din ang nahulihan ng paglabag dahil kitang-kita na anim umano ang sakay ng taxi, kaya inisyuhan ito ng inspection summon ng LTFRB at pagmumultahin ng nasa P5, 000. Bukod pa rito, napansin ng mga awtoridad na senior citizen ang isang pasahero, kahit base sa guidelines ng general community quarantine (GCQ), bawal lumabas ang mga senior citizen. Giit ng dyraber, nakiusap ang pasahero kahit sinabihan silang tatlo lang ang seating capacity.


Samantala, nagbabala naman ang LTFRB at PNP-HPG sa mga susuway na PUV driver at operator na posibleng i-revoke ang prangkisa sakaling mahuli o mapatunayang may paglabag.


Sa kabilang banda, may ilang bus at jeepney operator sa ilang terminal sa NCR ang susulatan ng LTFRB dahil napansin nilang nagpapabaya sa contact tracing.


Aaraw-arawin umano ng LTFRB at PNP-HPG ang inspeksiyon sa mga terminal at highway

Paiigtingin din ang paniniket sa mga patuloy na lalabag sa mga health protocols kontra COVID-19.


Paalala sa mga tsuper at operator, galaw-galaw ho tayo. ‘Wag nating kalimutan ang mga umiiral na protocol dahil bukod sa layuning kumita, obligasyon din nating matiyak na walang hawaan sa pampublikong sasakyan.


Kaya plis lang, pakiayos na ang mga barrier at tiyaking may espasyo sa pagitan ng mga pasahero.


Tayo namang mga pasahero, ‘pag sinabing bawal, bawal. ‘Wag nang ipilit na sumakay kung lagpas na sa seating capacity dahil kung tayo ang magpupumilit, malamang na ‘di na rin papalag ang mga drayber o konduktor.


Utang na loob, makipagtulungan tayo dahil kung tataas na naman ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa, ano na lang ang mangyayari sa atin?

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page