Digong, hindi nag-iisang pangulo na palamura… ECHO, NAGPAULAN NG “PUT*** INA” AT “PUN*ETA” SA QUEZON MOVIE
- BULGAR
- 1 day ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | October 14, 2025

Photo: Jericho Rosales bilang Quezon - IG
Totoo at hindi press release lang na maganda at de-kalidad ang historical film na Quezon ng TBA Studios, ang ikatlo sa kanilang “Bayaniverse” trilogy matapos ang Heneral Luna (2015) at Goyo (2018).
Napanood na namin ang pelikula sa premiere night na ginanap nu’ng Linggo nang gabi sa SM The Block at take note, dalawang sinehan ang pinagpalabasan ng movie na pinagbibidahan nina Jericho Rosales at Game of Thrones star Iain Glen (as US Army Major Gen. Leonard Wood) kasama sina Karylle, Benjamin Alves, Chris Villanueva, Romnick Sarmenta, JC Santos, Arron Villaflor, Angeli Bayani, Ana Abad Santos, Therese Malvar, Joross Gamboa, Mon Confiado, Bodjie Pascua, Ketchup Eusebio, Jake Macapagal, Jojit Lorenzo at Nicco Loco.
Halos dumating din ang lahat ng cast na talaga namang nakatanggap ng kaliwa’t kanang papuri dahil walang nagpaiwan, lahat sila ay magagaling.
In fact, after the screening, ayaw pang mag-uwian ng mga tao sa lobby ng cinema at talagang hinintay ang mga artista ng Quezon upang mabati sa kanilang job well done.
Sa October 15 na ang showing ng Quezon at we heard nga from TBA PR team na tuwang-tuwa ang isa sa mga producers ng movie na si Ms. Daphne Chiu (kasama sina Chairman Emeritus Fernando Ortigas at CEO Eduardo Rocha) dahil sa first day pa lang ng showing, 30 block screenings na ang naka-line-up nila at sa NU (National University) pa nga lang daw, nasa 2,000 students na ang nakatakdang manood ng historical film tungkol sa buhay ni Manuel Luis Quezon.
Bukod diyan, magkakaroon din ng international screening ang Quezon sa Oct. 30 sa Australia at New Zealand, sa Oct. 31 sa North America at Canada, at sa Nov. 20 sa Middle East.
Aba, kami na ang magsasabi, tiyak na mapa-proud ang mga kababayan nating OFWs kapag napanood ang galing umarte ng mga bumubuo sa Quezon, lalo na nga sina Echo, Romnick, Mon, Chris at Benjamin, at ang ganda ng kabuuan ng pelikula.
Ang daming matututunan sa Quezon at tiyak na ikabibigla ng manonood na ganu’n pala ang ugali ng dating pangulo — palamura, babaero, mahilig uminom ng alak, nagyoyosi, nagsusugal, wais at tuso at gagawin ang lahat makuha lang ang gusto kahit pa paglaruan at paikutin niya sa kanyang mga palad ang kanyang mga kaibigan.
Nagawa ring ibahin ni Echo ang kanyang kilos at pananalita at hindi mo makikita sa kanya ang isang Jericho Rosales.
At ang mga pinakawalan niyang mura, ang lulutong! Pitong beses yata siyang nagmura ng “put— ina” at naka-apat ding “pun*eta”. Meaning, hindi lang pala si former Pres. Rodrigo Duterte ang pangulong malakas magmura, ha?
Habang pinapanood mo ang Quezon, du’n mo mare-realize, ru’n pala nagsimula kung
bakit may korupsiyon ngayon, kung bakit may mga greedy of power at maiisip mo rin, hindi pala sa administrasyon ni the late Pres. Ferdinand Marcos nagsimula ang bulok na sistema ng gobyerno kundi may nauna pang namuno na gumamit ng kapangyarihan sa maling paraan.
Mula sa direksiyon ni Jerrold Tarog, hangad naming mas marami pa nga ang makapanood ng pelikulang ito na sumasalamin din sa gobyernong meron tayo ngayon.
Anak ni Roi Vinzon, niloko raw siya…
LALA, SINAMPAHAN NG PATUNG-PATONG NA KASO NG EX-KA-LIVE-IN NA SI ATTY. MARK TOLENTINO
NAHAHARAP ngayon sa patung-patong na kaso ang anak ni Roi Vinzon na si Lala Vinzon na sinampahan sa Mandaluyong City ng perjury, falsification of public document, unjust vexation, slander of deeds, oral defamation at obstruction of justice ng nakahiwalay nitong ka-live-in for 2 yrs. na si Atty. Mark Tolentino.
Nakausap namin through FB Messenger si Atty. Mark na kilala sa kanyang programang Pinoy Legal Minds na ipinapalabas sa SMNI. Co-host niya rito si Lala.
Ikinuwento sa amin ni Atty. Mark kung paano niya minahal nang todo si Lala na itinuring niyang reyna ng kanyang buhay at bahay. Siya raw ang nagpapaaral dito, pinatira sa kanyang condo, tinulungan din niya ang legal problems ng pamilya nito, at sunod ang lahat ng luho ng TV host, bukod sa ang lahat ng kita sa condo ni Atty. Mark ay napupunta rin daw kay Lala.
Pero sa isang iglap, bigla na lang daw nagbago ang matamis nilang samahan. Nag-umpisa ito nang magpasama sa kanya si Lala nang mag-apply sa isang government agency nu’ng Agosto, 2025 dahil binu-bully daw ito.
Sinamahan naman daw niya si Lala at tahimik lang siyang nanonood habang nag-o-audition ito, pero pinalabas siya ng isang employee kaya nagkaroon sila ng konting ‘di pagkakaunawaan.
Pero imbes na siya ang kampihan ni Lala, siya pa raw ang inaway nito nu’ng nasa sasakyan na sila at nasaksihan ng kanyang driver ang paninigaw, pamamahiya at pananakit sa kanya ng ka-live-in.
Nakipagsabwatan din daw si Lala sa ina-apply-an nitong govt. agency sa pag-aakalang bibigyan ng magandang posisyon at malaking suweldo.
Ang masakit pa raw, sa ginawang affidavit ni Lala, siya pa ang binaligtad kaya kinasuhan niya ito sa pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa, panlilinlang at pambabastos, matapos maglabas ng sinumpaang salaysay na sinasabing puno ng kasinungalingan at paninira.
Sa ngayon, hindi pa raw sila nakakapag-usap uli ni Lala. Naiwan pa raw nito ang ilang personal na gamit at dokumento, pati ang kotse na nakapangalan pa sa kanya, ngunit ang buwanang bayad ay si Tolentino ang nagbabayad.
Sa tanong namin kung kaya pa niyang patawarin si Lala, pag-iisipan daw niya, pero ang balikan ito ay “No comment” ang sagot sa amin ng abogado.
“Hindi ako gumaganti, pero may hangganan ang pananahimik. Ang hustisya ay para sa lahat, kahit sino pa ang kalaban mo,” pagtatapos ni Atty. Tolentino.