top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Digital payment system, kailangan natin sa new normal; kaligtasan ng publiko, mas masisiguro

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 13, 2020
  • 2 min read

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 13, 2020



Itong pandemyang ito, samu’t saring sakit ng ulo ang ibinigay sa mga tao. Kung anu-anong problema ang nararanasan natin mula sa pinakamaliliit hanggang sa pinakamalalaki.


At dahil nananatili ang pagpapatupad ng social distancing, isa rin sa mga nagpapahirap sa atin ang pag-a-adjust sa bagong sistema lalo na sa mga interaksiyong pinansiyal na nanganagailangan ng physical presence.


Ihalimbawa na lang natin ang pagtanggap ng tulong-pinansiyal mula sa gobyerno. Ang sistema kasi ay personal na kukunin ng mga benepisaryo ang financial assistance tulad ng SAP, kaya ang problema, mae-expose tayo sa posibleng panganib ng COVID dahil sa pagpila-pila.


Ang punto natin dito, ngayon natin kailangang maipatupad ang pagkakaroon ng digital payment system, hindi lang sa gobyerno, kundi maging sa mga pribadong sektor. Ganito rin dapat ang sistemang ipatupad sa lahat ng mga ahensiya at establisimyento para makatulong din ito sa pagsisikap nating mapababa ang pagkalat ng COVID sa bansa.


Nitong mga huling araw, nakita natin kung paanong dagsain ng mga benepisaryo ang pilahan ng distribusyon ng SAP. Hindi dapat ganito. Mismong gobyerno ang nagpapatupad ng batas sa social distancing, pero dito sa SAP distribution, hindi gumagana ang mga alituntunin dito.


Sa kasalukuyan, ayon sa datos ng Banko Sentral ng Pilipinas, napakababa ng digital payments natin lalo na sa malalayong lugar sa bansa. Ang dahilan, marami sa mga lugar na ito, walang banko o marami sa mga pamilya natin ang walang sariling bank accounts.

At dahil rito, tayo ay nagsusulong ngayon ng panukalang-batas sa Senado, ang Senate Bill 1764 o ang Use of Digital Payments Act of 2020. Sa pamamagitan nito, tiyak na mas magiging madali ang pagpapatupad ng digital payments sa lahat ng financial transactions sa iba’t ibang panig ng bansa.


Sa ilalim ng panukala nating ito, aatasan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, ang mga government owned and controlled corporations o GOCCs, gayundin ang lahat ng pamahalaang lokal na ipatupad ang digital payment system partikular sa pagkolekta nila ng buwis, fees, tolls, imposts at iba pang uri ng revenue. Ganitong sistema rin ang dapat pairalin sa pagbabayad ng mga bayarin, serbisyo at iba pang tulad nito.


Sa ganitong paraan, direktang matatanggap ng target recipients ang government payments sa pamamagian ng kanilang banko o digital accounts.


Kung maipatutupad ito sa lalong madaling panahon, makikita natin ang mas mabilis at mas episyenteng serbisyo para sa ating mga kababayan at siguradong hindi rin sila mae-expose sa panganib ng COVID dahil hindi na sila kailangang pumila.


Isa pa, paborable rin ang ganitong sistema sa gobyerno dahil tiyak na mas makatitipid sila ng daang milyong piso kada taon. Pero ang pinakamahalaga, nasisiguro natin ang kaligtasan ng ating mga kababayan mula sa iba’t ibang panganib tulad nga po nitong COVID-19.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page