Diborsyo sa pagitan ng Pilipino at dayuhan
- BULGAR

- Sep 13
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 11, 2025

Dear Chief Acosta,
Nagpakasal ako sa isang Amerikano noong ako ay isang overseas Filipino worker pa. Naging maayos naman ang aming pagsasama noong una. Ngunit habang tumatagal na ay nagbago ang kanyang ugali at ako ay sinimulan na niyang saktan. Alam ko na sa kasalukuyan ay wala pang diborsyo sa Pilipinas, ngunit nais ko lang itanong kung maaari ba akong magsampa ng diborsyo sa Amerika dahil ang aking asawa naman ay isang Amerikano at kinikilala sa kanilang bansa ang diborsyo? Kailangan bang ang aking asawa ang mangunang magsumite ng kaso para sa diborsyo? -- Ashley
Dear Ashley,
Ayon sa Article 26 (2) ng Family Code of the Philippines, kung ang kasal sa pagitan ng isang Pilipino at dayuhan ay nadiborsyo sang-ayon sa batas ng diborsyo ng bansa na kinabibilangan ng dayuhang asawa, ang asawang Pilipino ay magkakaroon na muli ng karapatan na magpakasal. Narito ang pahayag ng batas:
“Where a marriage between a Filipino citizen and a foreigner is validly celebrated and a divorce is thereafter validly obtained abroad by the alien spouse capacitating him or her to remarry, the Filipino spouse shall have capacity to remarry under Philippine law.”
Sa kaso ng Republic of the Philippines vs. Marelyn Tanedo Manalo (G.R. No. 221029, 24 April 2018), sa panulat ng Kagalang-galang na Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta, nilinaw ng Korte Suprema na maaaring ang asawang Pilipino ang magpasimula ng kaso para sa diborsyo. Hindi kailangang ang asawang dayuhan ang magsumite nito sa korte sa ibang bansa. Nakasulat sa nasabing kaso:
“Paragraph 2 of Article 26 speaks of ‘a divorce x x x validly obtained abroad by the alien spouse capacitating him or her to remarry.’ Based on a clear and plain reading of the provision, it only requires that there be a divorce validly obtained abroad. The letter of the law does not demand that the alien spouse should be the one who initiated the proceeding wherein the divorce decree was granted. It does not distinguish whether the Filipino spouse is the petitioner or the respondent in the foreign divorce proceeding.”
Sa iyong sitwasyon, maaaring ikaw ang magpanimula ng kasong diborsyo laban sa iyong dayuhang asawa sa Amerika. Kung ang diborsyo naman na ito ay payagan ng Korte sa ibang bansa, kailangan mo namang magsumite ng petisyon para kilalanin ng mga korte rito sa Pilipinas ang nasabing diborsyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments