Diamond Story nasilo ang panalo sa 3-YO Race
- BULGAR
- Jul 25, 2023
- 2 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | July 25, 2023
Nagpakitang-gilas sa mga karerista si jockey Jomer Estorque matapos ang mahusay na pagkakadala kay Diamond Story kaya nasilo ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nag-abang lang muna sa tersero-puwesto si Estorque at sakay nitong si Diamond Story pag-arangkada sa largahan, pinanood nito ang naglulutsahan na sina Minimal Invasive at The Alpha Male.
Pagsapit ng far turn ay kumuha na ng unahan si The Alpha Male habang si Diamond Story ay nagsisimula pa lang uminit at lumapit sa bumabandera.
Sa home turn ay isang kabayo pa ang lamang ng The Alpha Male subalit sa rektahan ay nakakapit na ang Diamond Story at sa huling 100 metro ay lumampas na ang winning horse sa una. "Maganda ang pagkakadala ni Jomer (Estorque), nagmatyag lang muna at saka gumalaw habang lumalapit sa huling kurbada," saad ni Allan Manansala, veteran karerista.
Tinawid ni Diamond story ang finish line ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si The Alpha Male.
Ipinasa ni Diamond Story ang tiyempong 1:28 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize, terserong dumating sa finish line si Trump Peter habang pumang-apat ang Riga.
Samantala, may siyam na karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya naman nasiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.
Ihahanda naman ng connections ni Diamond Story ang susunod na sasalihang karera ng kanilang pambato.
Nasiyahan din ang mga karerista sa panalo ni Charm Campaign sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pinakawalan sa pangalawang karera.
Ang karera noong Linggo ay parte ng pagdiriwang ng 2023 National Disability Prevention and Rehabilitation Week race.





Comments